
Una na rito ang kanyang makabuluhang pakikipagpulong kay Canadian Prime Minister Mark Carney na nagresulta sa pagkakasundo ng dalawang bansa na itaas sa Strategic Partnership ang ugnayan ng Pilipinas at Canada.
“This move, while reflective of the deep and strong bilateral relations that we have developed with Canada, also catalyzes our next steps towards the new phase of our relations in ensuring the sustained and dynamic growth of our bilateral ties,” saad ng Pangulo.
Matagumpay ding nakakuha ang lider ng kabuuang USD 2.5 bilyong halaga ng pamumuhunan mula sa mga malalaki at kilalang Canadian companies.
Kabilang dito ang kumpanyang B2Gold Corporation na nangako ng tinatayang USD 14 milyong investment commitment para sa solar plant expansion ng Masbate Gold Project.
Aabot naman sa USD 1.9 bilyon ang pangakong pamumuhunan ng OceanaGold Corporation sa bansa na layong mapahaba ang operational life ng world-class Didipio Gold-Copper Mine hanggang 2037, habang isinusulong ang ligtas at responsableng pagmimina.
Nakapulong din ng Pangulo ang TELUS Corporation kaugnay sa kanilang operasyon sa bansa bilang global IT-BPM at digital services hub, gayundin ang NQX na may USD 10.3 milyong business expansion program para sa pagpapalawak ng high-tech customer experience at software engineering operations sa Pilipinas.
Ayon kay Pangulong Marcos, ipinapakita ng mga investment commitment na ito ang kahalagahan ng pagsasakatuparan ng isang free trade agreement sa pagitan ng Pilipinas at Canada upang higit pang mapalakas ang kalakalan at pamumuhunan.
Sa huli, nagkasundo rin ang dalawang bansa na palawakin ang kanilang pagtutulungan sa depensa at seguridad sa pamamagitan ng mga umiiral na kasunduan, kabilang ang Status of Visiting Forces Agreement at Mutual Logistics Support Arrangement.











