
Napakababa ng posibilidad na kumalat sa Pilipinas ang plague na iniuugnay sa pagkamatay ng isang laboratory technician sa Russia, ayon kay infectious disease expert Dr. Rontgene Solante.
Kasunod ng pagkamatay ni Darya Shipilova, kumalat ang pangamba sa posibleng pagkalat ng nakahahawang sakit.
Gayunman, nilinaw ng World Health Organization (WHO) na wala pang nakikitang senyales ng outbreak na dapat ikabahala ng publiko.
Ang plague ay isang nakahahawang sakit na dulot ng bakteryang Yersinia pestis.
Ayon sa WHO, karaniwang naipapasa ito sa tao sa pamamagitan ng mga pulgas na nagdadala ng bacteria mula sa mga nahawaang maliit na mammal.
Isa sa mga anyo nito ang pneumonic plague, na maaaring maipasa sa pamamagitan ng paglanghap ng respiratory particles mula sa taong may inspeksyon.
Maaaring lumitaw ang sintomas nito sa loob ng isang araw, kabilang ang pagkakaroon ng biglaang lagnat, pananakit ng kalamnan, ubo, at hirap sa paghinga.
Kapag hindi agad nagamot, maari itong humantong sa malubhang komplikasyon at pagkamatay.
Sa kabila nito, iginiit ni Solante na walang dahilan upang mag-panic ang publiko sa kasalukuyan, dahil napakababa ng posibilidad ng pagkalat ng sakit sa bansa.
“Theres no room for panic. We are in a country with a very low probability that it can spread more than other countries,” saad ni Solante.
Samantala, tiniyak naman ng Malacañang na nakatutok ang Department of Health (DOH) sa posibleng panganib na dulot ng plague at ginagawa ang mga kinakailangang hakbang upang matugunan ang usapin.
“So far ay nami-meet naman po nila ang mga requirements para maibsan ang takot natin tungkol dito sa plague na nangyayari sa Russia,” ani Palace Press Officer Claire Castro.
Kaugnay nito, pinapayuhan ng health experts ang publiko na maging mas maingat, kumain nang tama, mag-ehersisyo, at magsuot ng face mask upang maiwasan ang anumang sakit. (Ulat mula kay Eugene Fernandez) – VC











