
Umabot sa ilang bahagi ng lalawigan ng Cebu ang abo at mga piraso ng batong ibinuga ng Bulkang Kanlaon matapos makapagtala ng moderate eruption noong Martes, Hulyo 7, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Ayon kay PHIVOLCS Volcano Observatory resident geologist Andylyn Quintia, dinala ng easterlies ang abo mula sa Negros Island patungo sa kanlurang bahagi ng Cebu.
“The ashfall was confirmed in the Cebu towns of Balamban, Toledo, Pinamungahan, and Aloguinsan around 9 a.m.,” ani Quintia.
Batay sa bulletin ng ahensya, naganap ang pagsabog ng bulkan dakong 7:33 a.m. noong Martes at tumagal ng humigit-kumulang tatlong minuto.
Lumikha ang pagsabog ng dark gray ash plume na umabot sa dalawa hanggang tatlong kilometro ang taas mula sa bunganga ng bulkan bago napadpad patungong silangan.
Ayon sa ulat ng Canlaon LGU, naranasan ang ashfall sa hindi bababa 10 lugar, kabilang ang mga barangay ng Binalbagan, Malaiba, Mabigo, Pula, Lumapao, Bayog, Panubigan, Aquino, at ilang bahagi ng Masulog at Linothanga.
Nakapagtala rin sa Brgy. Masulog ng mga hinihinalang ballistic ejecta o mga piraso ng batong ibinuga ng bulkan sa kasagsagan ng pagsabog.
Bilang pag-iingat, nagsimula nang mamahagi ng face mask ang Cebu Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), katuwang ang mga lokal na pamahalaan, upang mabawasan ang panganib ng paglanghap ng volcanic ash na maaaring magdulot ng respiratory problems.
Nagsuspinde na rin ng klase ang ilang lokal na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Samantala, ipinag-utos naman ni Cebu Governor Pamela Baricuatro sa Provincial Health Office (PHO) at lahat ng Capitol-run provincial at district hospitals na manatiling nasa heightened alert upang matiyak ang kahandaan sa anumang emergency.
“The governor urged the public, especially those in ashfall-affected areas, to stay indoors as much as possible. If going outside is necessary, she appealed to the public to wear face masks or other protective coverings to minimize exposure to volcanic ash,” ayon sa Pamahalaang Panlalawigan ng Cebu.
Nanatiling nakataas ang Alert Level 2 sa bulkan, at mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 4-km Permanent Danger Zone (PDZ). – VC











