IBCTV13
www.ibctv13.com

Palasyo: Fare adjustment, inaprubahan dahil sa patuloy na krisis sa langis, kailangang balansehin ang bigat sa mga tsuper at komyuter

75
Views

[post_view_count]

IBF File photo

Ipinaliwanag ng Malacañang na ang desisyon na aprubahan ang dagdag-pasahe sa mga pampublikong sasakyan ay bunsod ng patuloy na kaguluhan sa Middle East na nakaapekto sa presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, kinikilala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mga tsuper at operator, dahilan upang payagan ang fare adjustment.

Nilinaw ni Castro na itinakda ang dagdag-pasahe sa antas na makatuwiran upang hindi maging labis ang pasanin sa mga komyuter.

“Kailangan na magtaas ng pamasahe dahil hindi nga natitigil ang gulo dito sa Middle East,” ani Castro.

Samantala, pinabulaanan ni Castro ang alegasyon na nangangamba ang administrasyon sa posibleng transport strike at nagpataw umano ng penalties laban sa mga operator na lalahok sa mga pagtitipon.

Ayon kay Castro, iginagalang ng administrasyon ang karapatan ng mga mamamayan na magpahayag ng kanilang saloobin at magsagawa ng mapayapang protesta alinsunod sa batas.

“Ang gobyernong ito ay wala namang kinakatakutan. Ang pagtatrabaho lamang ang kailangan gampanan,” ani Castro.

Binigyang-diin din ng opisyal na hindi kailanman hinadlangan ng Pangulo ang mga protesta at hindi ipinagkakait sa mga transport group ang karapatang ipahayag ang kanilang mga hinaing.

Gayunman, sinabi ni Castro na iba ang usapin kapag ang isang protesta ay nauuwi sa paglabag sa batas.

Iginiit din ng Malacañang na hindi dapat direktang isisi sa pamahalaan ang pagtaas ng presyo ng langis, dahil pangunahing dulot ito ng pandaigdigang epekto ng kaguluhan sa Middle East.

Sa kabila ng ipinatupad na dagdag-pasahe, sinabi ni Castro na magpapatuloy ang pamahalaan sa pamamahagi ng cash assistance at fuel subsidy para sa sektor ng transportasyon.

“Sa ngayon ay walang pinapahinto, ayon din kay Sec. Banoy Lopez. Pati yung fuel subsidy ay hindi inihihinto,” ani Castro. – VC