IBCTV13
www.ibctv13.com

Pamahalaan, puspusan ang paghahanda para sa ligtas at maayos na paggunita ng Undas – PBBM

119
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. assured the public that the government is prepared to ensure safe, orderly, and convenient travel during the observance of Undas 2026. (Screengrab from PCO)

Aktibo na ang paghahanda ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas at maayos na pagbyahe ng mga Pilipinong uuwi sa kani-kaniyang probinsya o dadalaw sa mga sementeryo sa paparating na Undas, ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sa kanyang video message, sinabi ng Pangulo na nagsasagawa na ang Department of Transportation (DOTr) at mga kaugnay na ahensya ng inspeksyon sa mga paliparan, pantalan at bus terminal upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Bilang bahagi rin ng paghahanda, naglabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng mahigit 1,000 special permit para sa mga karagdagang bus upang matiyak na may sapat na masasakyan ang mga byahero.

Samantala, naglabas din ang Maritime Industry Authority (MARINA) ng relaxation order at special permits mula noong Oktubre 29 hanggang Nobyembre 3 upang mapaluwag ang schedule ng mga pampasaherong barko.

Para naman sa mga byaherong papasok at palabas ng bansa, titiyaking may sapat na tauhan sa mga immigration counter, habang paiigtingin din ang paggamit ng mga digital system, kabilang ang e-gates, upang mapabilis ang proseso sa imigrasyon.

Magkakaroon din ng 24 oras na help desk sa mga pangunahing terminal upang umalalay sa mga byahero.

Sa Metro Manila, magtatalaga naman ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit 2,000 tauhan upang tumulong sa pamamahala ng trapiko.

Kaugnay nito, nagsasagawa na rin ng inspeksyon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga sementeryo, simbahan at iba pang pampublikong lugar na inaasahang dadagsain ng mga tao.

Ani Pangulong Marcos Jr., sisiguruhin ding may nakatalagang mga pulis sa bawat sementeryo at kolumbaryo upang mapanatili ang kaayusan at seguridad ng publiko.

Nakaantabay na rin ang Bureau of Fire Protection (BFP) upang rumesponde sakaling magkaroon ng sunog o iba pang insidente.

Nakaalerto rin ang mga ospital at health emergency team upang agad na matulungan ang mga mangangailangan ng serbisyong medikal.

Sa huli, pinayuhan ng Pangulo ang publiko na planuhin nang maaga ang kanilang byahe, alamin ang mga abiso hinggil sa trapiko at mga pagbabago sa ruta, at agahan ang pagpunta sa mga terminal.

“Mag-ingat sa inyong paglalakbay. Bukas ang linya ng inyong mga lingkod sa pamahalaan upang alalayan kayo,” ani Pangulo. – MP