
Sinimulan na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pamamahagi ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) assistance para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng Group 1 at Group 2 sa ilang bahagi ng bansa ngayong Lunes, Hulyo 20.
Kabilang sa mga unang lugar na nagsagawa ng payout ang Opao Gym sa Brgy. Opao, Mandaue City, Cebu, kung saan tumanggap ang mga benepisyaryo ng tig-P2,000 cash assistance bilang karagdagang suporta ng pamahalaan sa gitna ng umiiral na energy emergency.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, kasabay na isinagawa ang payout sa Tacloban City, Ormoc City sa Leyte, Calbayog City sa Samar, at Davao Occidental, habang nakatakda rin ang pamamahagi ng ayuda sa Mandaluyong City, Pateros, at Makati City.
Ang mga benepisyaryo ay tinukoy sa pamamagitan ng 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS) na isinagawa ng Philippine Statistics Authority (PSA) at Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev).
Kabilang sa mga kwalipikadong tumanggap ng UPLIFT assistance ang mga poor at near-poor households, gayundin ang mga miyembro ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps), at Walang Gutom Program.
Isa sa mga nagbenepisyo sa tulong-pinansyal si Nanay Marie Flor ng Brgy. Putatan, Muntinlupa City.
“Mahirap ang buhay, mahirap kumita ng pera kaya malaking tulong na ito sa amin lalo na pambaon ng mga anak ko at gastusin sa bahay,” ani Marie Flor.
Sa unang bugso ng payout, manual munang isinagawa ng DSWD ang validation ng Group 2 beneficiaries upang personal na matiyak ang kanilang pagkakakilanlan bago tuluyang ma-enroll sa digital wallets para sa mga susunod na distribusyon.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ipinatutupad ng pamahalaan ang UPLIFT assistance sa ilalim ng Executive Order No. 110 upang makatulong na mapagaan ang epekto ng inflation at mapanatili ang purchasing power ng mga pamilyang higit na nangangailangan. – VC











