
Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng Kamara ang panukalang P7.2 trilyong pambansang pondo para sa 2027, na naglalayong palakasin ang mga serbisyo para sa mga Pilipino at matiyak ang wasto na paggamit ng pondo ng pamahalaan.
Ayon kay House Speaker Bojie Dy, katuparan ito ng pangakong binitawan ng Kamara nang isumite sa kapulungan ang National Expenditure Program (NEP) noong Agosto, na dapat mapakinabangan ng mga Pilipino ang bawat sentimong nagmumula sa kanilang buwis.
“Bawat sentimong pinaghirapan ng ating mga kababayan ay dapat magamit nang tama. Dapat bumalik ito sa kanila sa pamamagitan nang mas maayos na edukasyon, serbisyong pangkalusugan, tulong sa mga nangangailangan, at mga programang tunay na makapagpapagaan sa kanilang buhay,” ani Dy.
Kabilang sa mga naging pagbabago sa panukalang pondo ang karagdagang P10.06 bilyon para sa edukasyon.
Gagamitin ang dagdag na pondo para sa pagpapaigting ng kaligtasan sa mga paaralan, inklusibong edukasyon, at pagpapalawak ng access sa de-kalidad na edukasyon.
Naglaan din ang pamahalaan ng karagdagang pondo para sa tulong medikal at suporta para sa mga magsasaka.
Sa sektor ng transportasyon, naglaan ang pamahalaan ng karagdagang P500 milyon para sa Service Contracting Program at P1 bilyon para sa fuel subsidy.
Inaasahang makikinabang sa karagdagang alokasyon ang mga drayber at operator ng mga pampublikong sasakyan, tricycle driver, delivery rider, at iba pang transport service providers.
Matapos ang deliberasyon sa proposed national budget, hinimok ni Dy ang publiko na makibahagi sa pagsubaybay sa pagpapatupad ng mga programang popondohan nito.
Iginiit ng House leader na mahalagang matiyak hindi lamang ang maayos na paglalaanan ng pondo kundi pati ang aktwal na pagpapatupad ng mga programa upang mapakinabangan ng mga mamamayan ang kanilang buwis. – VC











