Tinawag na walang basehan at mapanira ng Malacañang ang mga alegasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte. ukol sa umano’y blangkong bahagi ng 2025 national budget na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin, ang ganitong uri ng pekeng balita ay malisyoso at nararapat lamang na kondenahin.
“The peddling of such fake news is outrightly malicious and should be condemned as criminal. No page of the 2025 National Budget was left unturned before the president signed it into law,” matapang na pahayag ni Bersamin.
Ipinaliwanag niya na ang pondo, na nakasulat sa 4,057 pages sa dalawang volume, ay dumaan sa masusing pagsusuri ng mga propesyunal mula sa Kongreso at Department of Budget Management (DBM).
“This meticulous line-by-line scrutiny is a pre-enactment check performed by dedicated civil servants to ensure that the GAA contained no discrepancies in the amounts being appropriated,” dagdag niya.
Hinikayat din niya ang publiko na bisitahin ang website ng DBM kung saan makikita ang kumpletong nilalaman ng 2025 national budget.
Binigyang-diin ni Bersamin na ang batas hinggil sa pambansang pondo ay hindi maaaring maglaman ng anumang blangko o hindi nakatalagang pondo.
“The former president and his cohorts should know better that the GAA should not contain blank items,” saad niya.
Kaugnay nito, hinimok niya ang kampo ng dating Pangulo na itigil na ang pagpapalaganap ng maling impormasyon. – AL