IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinagkaloob na ang absolute pardon kay Mary Jane Veloso

222
Views

[post_view_count]

Mary Jane Veloso poses for photographers at the Correctional Institution for Women in Mandaluyong City, where she was taken right after arriving from Indonesia on December 18, 2024. (File photo of PNA)

Ganap nang ipinagkaloob ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang absolute pardon para kay Mary Jane Veloso, ang Pilipinang halos 15 taong nanatili sa death row sa Indonesia kaugnay ng umano’y kaso ng drug trafficking.

Kinumpirma ito mismo ng Pangulo sa sidelines ng kanyang pagbisita sa Eastern Visayas ngayong Biyernes, Setyembre 25, kung saan sinabi ng punong ehekutibo na nilagdaan na niya ang pardon kay Mary Jane nitong Huwebes, Setyembre 24.

“Pinirmahan ko na ‘yung pardon niya kahapon,” saad ng Pangulo.

Nauna nang ipinahayag ni PCO Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro nitong Miyerkules, Setyembre 23, na kinokonsidera ng Office of the President ang pagbibigay ng absolute pardon kay Veloso sa humanitarian grounds.

Matatandaang naaresto si Veloso sa Yogyakarta, Indonesia noong 2010 matapos matagpuan sa kanyang bagahe ang 2.6 kilo ng heroin, at hinatulan ng kamatayan.

Matagal nang iginiit ni Veloso ang kanyang pagiging inosente at sinabing biktima lamang siya ng human trafficking.

Base sa kanyang salaysay, nilinlang siya ng kanyang mga recruiter at hindi niya alam na may iligal na droga sa maletang ipinadala sa kanya.

Noong 2015, nakansela sa huling sandali ang planong pagbitay kay Veloso matapos makiusap ang pamahalaan ng Pilipinas sa Indonesia na ipagpaliban ang kanyang execution upang makapagbigay siya ng testimonya laban sa kanyang umano’y mga trafficker.

Noong Disyembre 2024, nakauwi na sa Pilipinas si Veloso matapos ang pag-uusap ng dalawang bansa kaugnay ng prisoner transfer arrangements.

Pagdating sa bansa, dinala ang dating overseas Filipino worker (OFW) sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City upang ipagpatuloy ang natitirang bahagi ng kanyang sentensiya sa ilalim ng hurisdiksyon ng Pilipinas.

Sinuri ni Pangulong Marcos Jr. nitong mga unang buwan ng taon ang apela ni Veloso para sa executive clemency bago tuluyang nilagdaan ang absolute pardon.

Samantala, labis ang galak ng ama ni Mary Jane na si Cesar Veloso nang malaman mismo mula sa IBC News ang balita na nilagdaan na ni Pangulong Marcos Jr. ang absolute pardon para sa paglaya ng kanyang anak.

Sa exclusive phone interview ng IBC, ibinahagi rin ng ama ang pagkakasabik na makita niyang muli ang anak at makapiling na nila ito nang tuluyan sa gitna ng nararanasang karamdaman.

“Pinakamasaya po itong araw na po na ito na nalaman po namin na napirmahan na ng ating mahal na Pangulo ang pardon para sa aking anak. Ako po’y nagpapasalamat po,” emosyonal na pahayag ng ama ni Veloso. – MP