
Opisyal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang batas na nagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ngayong 2026.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12326, ang susunod na BSKE ay gaganapin na sa Nobyembre 13, 2028, sa halip na Nobyembre 2 ngayong taon.
Kasabay nito, pinalawig ng batas ang termino ng mga kasalukuyang halal na opisyal ng barangay at SK mula tatlo patungong limang taon.
Inanunsyo ng Pangulo ang paglagda ngayong Biyernes, Setyembre 25.
Ani Pangulong Marcos Jr., dapat gamitin ng mga opisyal ang dagdag na panahon upang pagbutihin ang serbisyo, tapusin ang mga nasimulang programa, at tugunan ang pangangailangan ng kanilang mga komunidad.
Sa ilalim ng bagong batas, hanggang dalawang magkasunod na termino lamang maaaring magsilbi ang mga halal na opisyal ng barangay sa parehong posisyon.
Para naman sa mga opisyal ng SK, isang termino lamang ang maaaring pagsilbihan sa parehong posisyon.
Dahil sa dalawang taong extension, ituturing na nakumpleto na ng mga incumbent barangay officials ang isang buong termino.
Kung magkakaroon ng bakante sa membership ng SK, maaaring magtalaga ng kapalit ang city o municipal mayor, basta’t kwalipikado alinsunod sa RA 10742.
Hindi kabilang sa appointment ng alkalde ang bakante sa posisyon ng SK chairperson.
Sa halip, ito ay dapat punan alinsunod sa itinakdang proseso ng succession.
Inaatasan din ng bagong batas ang mga kaukulang ahensya na magsagawa ng training program para sa mga opisyal upang matiyak na maayos nilang magagampanan ang kanilang mga tungkulin.
Nilagdaan ng Pangulo ang RA12326 nitong Huwebes, at agad na magkakabisa matapos mailathala sa Office Gazette. – VC











