IBCTV13
www.ibctv13.com

Patas na recruitment ng OFWs at ligtas na internet para sa mga bata, tiniyak ni PBBM sa ilalim ng ASEAN chairship ng Pilipinas

327
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during the handover ceremony of the ASEAN chairship to Singapore. (Photo courtesy of PCO)

Isinulong ng Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patas na recruitment para sa overseas Filipino workers (OFWs) at mas ligtas na paggamit ng internet para sa mga bata bilang bahagi ng mga pangunahing adbokasiya ng bansa sa 49th ASEAN Summit and Related Summits.

Sa kanyang talumpati sa closing ceremony ng summit nitong Martes, Nobyembre 17, binigyang-diin ng Pangulo ang pangangailangan ng mas matibay na pagtutulungan ng mga bansang kasapi upang matiyak ang patas na oportunidad sa trabaho para sa OFWs at iba pang migrant workers sa Southeast Asia.

“Our people may not read or know all that we write or say, but we pray that they feel it. They feel it when cooperation opens a new opportunity for a small business. They feel it when a migrant worker comes home safely and with dignity. They feel it when help reaches a family before disaster becomes tragedy,” ani Pangulo.

Tiniyak din ng lider ang pangangalaga sa kanilang mga karapatan laban sa panloloko, pang-aabuso, at pananamantala.

Binigyang-diin ni Pangulong Marcos Jr. na dapat masukat ang tagumpay ng ASEAN sa mga konkretong benepisyong maibibigay nito sa mga mamamayan.

Kasabay ng pormal na paglilipat ng ASEAN chairship sa Singapore, hinimok ng Pangulo si Singaporean Prime Minister Lawrence Wong na ipagpatuloy ang mga napagkasunduang programa ng rehiyon upang matiyak ang tuluy-tuloy na pag-unlad at kooperasyon ng mga kasaping bansa.

Kabilang pa sa mga iginiit ng lider ang pagpapatuloy ng mga kasunduan at programang naglalayong palakasin ang digital economy at kalakalan sa rehiyon, partikular ang ASEAN Digital Economy Framework Agreement (DEFA).

Inaasahang magbibigay ang mga hakbang na ito ng mas malawak na oportunidad para sa mga negosyo at mas praktikal na benepisyo para sa mga mamimili sa Pilipinas at iba pang bansang kasapi ng ASEAN.

Sa huli, sinabi ng Pangulo na hindi dapat magtapos sa panunungkulan ng Pilipinas bilang chair ang mga nasimulan at nakamit na insiyatiba ng rehiyon.

Sa halip, dapat magsilbing pundasyon ang mga ito para sa susunod na mamumuno upang higit pang mapalawak at mapapatag ang kooperasyon ng mga bansang kasapi.

“The most important work of ASEAN cannot belong to one chair alone. Progress endures when each chair builds on what came before and leaves stronger foundations for what comes next,” ani Pangulong Marcos Jr. – IP