
Tinatayang makalilikha ang planong Pax Silica project ng 130,000-190,000 direktang de-kalidad na trabaho at 500K-800K indirect at induced jobs kapag ganap na itong naipatupad, ayon sa Bases Conversion and Development Authority (BCDA).
Ang proyekto ay naglalayong gawing sentro ang Pilipinas ng artificial intelligence (AI), semiconductor processing at advanced manufacturing sa ilalim ng Luzon Economic Corridor Project.
Sa press briefing sa Malacañang ngayong araw, Hulyo 23, sinabi ni BCDA President at CEO Joshua Bingcang na ang proyekto ay magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa mga Pilipinong engineer, computer science graduates at iba pang highly skilled professionals upang makapagtrabaho sa sariling bansa.
“Kasi nakikita po natin ang ating mga engineer, ‘yung mga computer science graduates natin ay nasa ibang bansa sila nagtatrabaho sa mga malaking kumpanya. Paano kaya kung dito sila magtatrabaho sa ating bansa, tutulong, magbigay ng contribution para sa ating national development,” ani Bingcang.
Itatayo ang Pax Silica sa loob ng New Clark City na may kabuuang lawak na 1,620 ektarya.
Target nitong makahikayat ng inisyal na pamumuhunan na $10 bilyon, habang aabot sa $40-$70-B ang kabuuang full buildout investment potential.
Maliban sa mga data center, nakapaloob din sa proyekto ang pagtatatag ng manufacturing facilities, business operations at iba pang clean industries.
Hanggang $200-B halaga ng export ang inaasahang magagawa ng Pax Silica habang nasa P68-P75-B ang maaaring maging taunang withholding tax collection mula rito.
Ayon sa BCDA, nagbibigay ang proyekto ng stability at predictability na hinahanap ng mga dayuhang investor, na magpapalakas sa kumpiyansa ng mga ito para sa pagpapalawak pa ng kanilang negosyo sa Pilipinas.
Sa gitna naman ng agam-agam ng publiko, tiniyak ng ahensya na mananatiling sumusunod ang malaking proyekto sa mga batas at regulasyon ng Pilipinas, international laws, at environmental, social, and governance (ESG) standards.
Samantala, nilinaw ng BCDA ang ilang isyung iniuugnay sa proyekto.
Ayon sa ahensya, hindi manggagaling sa suplay ng tubig ng mga komunidad ang pangangailangan ng proyekto dahil gagamit ito ng surface water harvesting, storage, treatment at recycling systems.
Hindi rin saklaw ng proyekto ang mga ancestral domain at magkakaroon ng livelihood at employment programs para sa mga posibleng maapektuhang komunidad.
Pinabulaanan naman ng BCDA ang alegasyong isang mining project umano ang Pax Silica, at iginiit na nakatuon lamang ito sa pagproseso ng critical minerals tungo sa mas mataas na halaga ng mga produkto.
Kaugnay naman sa umano’y paggawa ng armas, nilinaw ng ahensya na para sa commercial AI, semiconductor at advanced manufacturing industries ang layunin ng proyekto.
Sa huli, tiniyak ni Bingcang na patuloy na magbibigay ang BCDA ng regular na update kaugnay sa proyekto habang patuloy na gumugulong ang stakeholder consultations upang matugunan ang mga katanungan at pangamba ng iba’t ibang sektor.
“Kami naman po ay laging bukas sa lahat ng concern. Nasa stage po kami ngayon ng tinatawag naming stakeholders consultations, so sabihin kung ano ang mga concern, kami po ay may business solution o engineering solution para ma-assure ang ating lahat ng sektor na ang project na ito ay para sa ikauunlad at benepisyo ng mas nakararaming mga Pilipino,” ani Bingcang. – VC











