
Muling ipinaalala ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang kanyang administrasyon ang unang kumilos upang ilantad at imbestigahan ang malawakang katiwalian sa flood control projects, kasunod ng kanyang naging mabigat na pahayag sa nakaraang State of the Nation Address (SONA).
Sa Kapihan with the Media nitong Sabado, Hulyo 4 (Canada time), sinabi ng Pangulo na kung hindi niya binanggit ang isyu sa kanyang ikaapat na SONA ay hindi ito magiging sentro ng usapin sa kasalukuyan.
“Kung hindi ko sinabi ‘yung sinabi ko sa SONA, wala tayong pinag-uusapan na ganito. I’m the one who exposed all of this,” ani Pangulo.
Sa ngayon, hindi pa maituturing na sapat ng punong ehekutibo ang mga hakbang ng pamahalaan dahil nagpapatuloy pa ang imbestigasyon at patuloy na nadaragdagan ang mga natutuklasang iregularidad.
Kasabay nito, binigyang-diin niya na hindi nagsimula sa kanyang administrasyon ang mga iniimbestigahang anomalya, at tinukoy ang mga isyung matagal nang iniuugnay sa flood control projects.
“If you remember, I think it was in 2018 already, the minority floor leader in the House, Nonoy Andaya, already said that he had uncovered a 300-plus billion flood control mess,” ayon sa Pangulo.
Dagdag niya, kinilala na noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na may malalaking problema sa implementasyon ng flood control projects, ngunit walang nauwi sa pananagutan ng sinuman.
“At the time, President Duterte acknowledged that there were great problems in terms of the flood control projects. Pero wala namang nangyari. Having acknowledged it, it did not find accountability in anybody. So I guess that was left up to me. And so we are still doing it. We’re still working on it,” ani Pangulo.
Habang lumalalim ang mga imbestigasyon, sinabi ni Pangulong Marcos Jr. na lalong dumarami ang mga kasong natutuklasan kaya mahalaga aniya na sinasabayan ang pagsisiyasat ng pagpapatupad ng mga reporma sa sistema ng pamahalaan.
“As I said, the more we look, the more we investigate, the more we find,” ani Pangulo.
Ibinida naman ng Pangulo ang mga hakbang na isinagawa ng kanyang administrasyon, kabilang ang pag-aresto sa mga sangkot, pag-freeze ng mga bank account, at pagsasampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa mga anomalya.
“Bakit ang mga nakaraang Pangulo, nakakita ba kayong ginawang gano’n? Meron ba silang kinulong? Meron ba silang pi-freeze na accounts? Meron ba silang mga investigation na ginawa? Wala. Tapos sasabihin, ako daw ang may kagagawan. Eh kung talagang racket ko ‘yun, bakit ko sisirain ‘yung racket ko? Di ba? That makes absolutely no sense,” giit ng Pangulo.
Matatandaang matapos ang naging pahayag ng Pangulo na “Mahiya naman kayo” sa kanyang 2025 SONA kaugnay ng flood control projects, nagsampa ang Department of Justice (DOJ) at ang Office of the Ombudsman ng mga kaso laban sa ilang indibidwal dahil sa pagkakasangkot sa mga iregularidad.
Sa huli, nanindigan ang Pangulo na magpapatuloy ang administrasyon sa pagpapanagot sa mga responsable at sa pagpapatupad ng mga repormang magpapalakas sa transparency, integridad, at pananagutan sa pamahalaan. – VC











