
Isa sa pinakamabigat na pasaning kinahaharap ng bawat pamilyang Pilipino ang pagkakaroon ng maysakit sa tahanan.
Kaakibat ng alalahanin sa kalusugan ang pangambang baka hindi kayanin ang gastusin sa pagpapagamot, lalo na sa mga nangangailangan ng tuloy-tuloy na gamutan at mahal na serbisyong medikal.
Isa ito sa mga pangunahing hamong tinutugunan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., sa paniniwalang ang abot-kayang serbisyong pangkalusugan ay hindi dapat maging pribilehiyo kundi karapatan ng bawat Pilipino.
Sa pamamagitan ng pinalawak na mga programa ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), isinusulong ng pamahalaan ang layuning mailapit ang kinakailangang serbisyong medikal sa bawat komunidad at maibsan ang mabigat na pasaning dulot ng karamdaman sa bawat pamilyang Pilipino.

Bilang bahagi ng pagpapatupad ng layuning ito, bumisita noong Mayo ang Pangulo sa St. Elizabeth Hospital Inc,. sa General Santos City upang personal na saksihan ang implementasyon ng mga pinalawak na programa ng PhilHealth.
Mahalagang bahagi nito ang YAKAP Program, na nagbibigay ng agaran at libreng checkup, screening, X-ray, at laboratory tests upang matukoy at maagapan ang mga karamdaman ng mga pasyente bago pa ito lumala.

Ayon kay PhilHealth President at Chief Executive Officer Dr. Edwin Mercado, layunin ng programa na hikayatin ang mas maraming Pilipino na magpatingin o magpakonsulta nang mas maaga upang maiwasan na ang posibleng pagpapaospital.
“Ang YAKAP, by the mere word, [ibig-sabihin] yakapin para malayo sa sakit. Kinabit na rin namin ang availability ng gamot. We’re hoping na bumaba rin ang ating kailangang ma-hospital,” ani Mercado.
Kasabay nito, inilunsad din ang programang nagbibigay ng hanggang P20,000 halaga ng libreng maintenance medicines para sa mga pasyenteng may mga karamdaman na nangangailangan ng tuloy-tuloy na pag-inom ng gamot.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng maagap na pagpapatingin upang maiwasan ang paglala ng sakit.
“[Itong] ginagawa nating mga paraan, [kailangan] maagang nagpapatingin para hindi na aabot sa malubhang sakit,” ani ng Pangulo.

Pinalawak din ang suporta para sa mga pasyenteng sumasailalim sa dialysis upang matulungan silang maipagpatuloy ang kanilang gamutan.
Sa kasalukuyan, sinasagot ng PhilHealth ang P6,350 bawat dialysis session para sa hanggang 156 na sesyon kada taon, na nagbibigay sa mga miyembro ng pinansyal na suporta na umaabot sa P990,600 taun-taon.

Nadagdagan din ang benepisyo para sa mga cancer patients upang hindi maputol ang kanilang paggamot dahil sa kakulangan sa pondo.
Nagkakaloob ang PhilHealth ng hanggang P150,000 benepisyo para sa mga pasyenteng may early-stage ng colon at rectal cancer, habang maaari ring makatanggap ng hanggang P300,000 ang mga pasyenteng may advanced-stage ng colon cancer.

Kasama rin sa pinalawak na benepisyo ang maternity benefit package na sumasaklaw sa normal delivery, cesarean section, gayundin sa prenatal at postnatal care bilang bahagi ng layunin ng pamahalaang mapangalagaan ang kalusugan ng mga ina at kanilang mga sanggol.
Sa ilalim ng expanded package, itinaas ng PhilHealth ang benepisyo para sa normal spontaneous delivery (NSD) sa P29,000, habang nasa P58,000 hanggang P62,000 naman ang saklaw para sa cesarean section.
Sa prenatal at postnatal care, pinalawak ang prenatal care mula apat hanggang walong check-up, habang saklaw na rin ng package ang tatlong postnatal check-up.

Kaugnay nito, hinikayat ng Pangulo ang publiko na ipaalam sa mas maraming Pilipino ang mga serbisyong maari nilang mapakinabangan sa ilalim ng PhilHealth.
“Ikalat natin ang balita para alam ng tao kapag may karamdaman sila, mayroon silang gustong ipatingin, ang anak nila, o ano pa man, mayroon silang pupuntahan,” ani Pangulong Marcos Jr.

Sa patuloy na pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth, pinatitibay ng pamahalaan ang mga hakbang upang maging mas abot-kamay ang serbisyong pangkalusugan at mabawasan ang pinansyal na pasaning kinakaharap ng mga Pilipino sa oras ng karamdaman.
Habang nananatiling hamon sa maraming pamilya ang mataas na halaga ng pagpapagamot, isinusulong ng administrasyon ang isang sistemang pangkalusugan na mas madaling maabot, mas tumutugon sa pangangailangan ng mamamayan, at mas nagbibigay ng katiyakan na may maaasahang suporta ang bawat Pilipino sa oras na kailangan nila ng serbisyong medikal. – VC











