IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM: Bagong int’l air hub sa Clark, titiyak sa mabilis na paghahatid ng abot-kayang produkto sa mga Pilipino sa kabila ng El Niño

282
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. graces the grand opening of the United Parcel Service International Air Hub at Clark International Airport in Pampanga today, October 15. (Photo courtesy of PCO)

Ibinida ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang benepisyo sa mga Pilipino ng pagbubukas ng bagong International Air Hub ng United Parcel Srvice (UPS) sa Clark International Airport ngayong Huwebes, Oktubre 15.

Ang hub ay inaasahang magpapabilis ng pagdadala ng mga produktong agrikultura mula sa mga sakahan patungo sa mga pantalan at pamilihan.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang maayos na logistics sa bansa upang matiyak na makararating sa tamang oras ang mga pangunahing pangangailangan ng mga mamamayan, kabilang ang medisina, lalo na sa panahon ng kalamidad tulad ng El Niño.

“As we prepare for the effects of Super El Niño, our synergistic efforts become even more vital. By promoting the timely movement of food and other basic commodities, we can help prevent supply disruptions, ease pressure on prices, and ensure that necessities remain accessible to Filipino households,” ani Pangulong Marcos Jr.

Bilang suporta, ipinag-utos ni Pangulong Marcos Jr. sa Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) ang pagpapabuti ng mga kalsada, tulay, at iba pang transportasyon upang mapababa ang gastos sa paghahatid ng mga produkto sa bansa.

Kabilang sa mga proyektong inaasahang makatutulong dito ang planong Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Railway sa ilalim ng Luzon Economic Corridor.

Ang proyekto ay pag-uugnayin ang mga pantalan sa Subic, Maynila at Batangas upang mas mapabilis ang pagdadala ng mga kargamento.

Samantala, sinabi ng Pangulo na ang pamumuhunan tulad ng pinalawak na pasilidad ng UPS ay malaki ang maitutulong sa paglikha ng trabaho at negosyo para sa mga Pilipino.

Kayang magproseso ng pasilidad ng hanggang 15,000 packages kada oras, at inaasahang hahawak ng average na 46,000 packages bawat araw.

Susuportahan din nito ang 170 flight kada linggo papasok at palabas ng Pampanga, na magpapabilis sa pagpapadala ng mga produkto sa Asia-Pacific, India, Europe, at United States.

Sa ilang ruta patungo sa China, Southeast Asia, at India, inaasahan namang mababawasan nang hanggang dalawang araw ang oras ng paghahatid ng mga kargamento.– VC