IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, dinala ang Bawat Bayan Makikinabang program sa Lucena; COE sa tinitirhang lupa ng 100 pamilya sa lalawigan, iginawad ng Pangulo

94
Views

[post_view_count]

As part of the expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program, President Ferdinand R. Marcos Jr. has issued Certificate of Entitlement (COE) to 100 additional beneficiaries under Presidential Proclamation No. 436, s. 2003 in Lucena City, Quezon today, July 21. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Martes, Hulyo 21, ang paghahatid ng mga programa sa pabahay, serbisyong panlipunan, at imprastraktura sa Lucena City, Quezon bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na mapalawak ang seguridad sa paninirahan, mapalapit ang mga serbisyo ng gobyerno, at mapahusay ang mga pasilidad para sa publiko.

Isa sa mga pangunahing aktibidad ng Pangulo ang pamamahagi ng Certificates of Entitlement (COEs) sa 100 pamilya sa Brgy. Ibabang Iyam sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) Program.

Kasama si Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon Aliling, personal na iginawad ng Pangulo ang COEs sa mga kwalipikadong benepisyaryo na saklaw ng Presidential Proclamation No. 436 na inilabas noong 2003.

Sa pamamagitan ng COE, kinikilala ang karapatan ng mga benepisyaryo na maangkin ang mga lupang matagal na nilang tinitirhan, habang pinabibilis ang proseso ng pagkuha ng titulo ng kanilang mga ari-arian.

“Sa pamamagitan nitong ating ginagawa na pagbibigay ng Certificate of Entitlement, ay natitiyakan na po ang ating mga benepisyaryo na sila po ay maaari na, dahil hawak na ang Certificate of Entitlement, mapabilis ang proseso sa pagbibigay ng titulo ng mga lupa ninyo at saka property ninyo para ngayon ang mga anak ninyo, mas maliwanag na ngayon ang inyong sitwasyon,” ani Pangulo.

Ang 100 bagong benepisyaryo ay karagdagan sa 185 pamilya na naunang nabigyan ng benepisyo sa ilalim ng parehong proklamasyon.

Sa kabuuan, umabot na sa 684 pamilya ang nakatanggap ng COEs mula nang ipagpatuloy ng administrasyon ang pamamahagi ng mga lupang saklaw ng iba’t ibang presidential proclamation sa ilalim ng Expanded 4PH Program.

Habang nasa Lucena City, pinangunahan din ng Pangulo ang paghahatid ng iba’t ibang tulong at serbisyo sa ilalim ng “Bawat Bayan Makikinabang” program sa Lucena City Government Complex.

Kabilang sa dala ng programa ang financial assistance para sa 165 Presidential Scholars mula sa 33 barangay at libreng bigas para sa 4,000 benepisyaryo, kabilang ang mga vulnerable at indigent families.

Bilang pagtatapos ng kanyang pagbisita sa lungsod, ininspeksyon din ng Pangulo ang passenger terminal building ng Port of Lucena kasama si Department of Transportation (DOTr) Secretary Giovanni Lopez at iba pang opisyal.

Sinuri ng Pangulo ang pag-unlad ng modernisasyon ng pantalan, na kanyang ipinag-utos sa DOTr upang tiyaking matutugunan ng mga imprastraktura ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga pasahero.

Kapag naging ganap nang operational, inaasahang magbibigay ang bagong passenger terminal building ng mas maayos, ligtas, at komportableng serbisyo sa mga biyahero.

Kabilang sa mga isinagawang pagpapabuti sa pasilidad ang pagpapalawak ng waiting area at pagtaas ng seating capacity mula 607 hanggang 928 pasahero.

Bahagi ang proyekto ng mas malawak na programa ng pamahalaan para sa modernisasyon ng mga pantalan sa Southern Luzon upang mapahusay ang kapasidad at kalidad ng serbisyo sa mga pangunahing daungan sa rehiyon. – VC