
Nais ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na mas maraming Pilipino ang makinabang sa P20,000 taunang benepisyo sa gamot ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ilalim ng GAMOT program.
Sa pulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC) Healthcare Sector Group noong Oktubre 21, nagpahayag ng pagkabahala ang Pangulo sa dami ng mga rehistrado sa programa na hindi pa nagagamit ang benepisyo.
Dahil dito, inatasan ni Pangulong Marcos Jr. ang PhilHealth at Presidential Communications Office (PCO) na mas palawakin ang pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa programa.
Layunin nitong direktang maihatid sa mga komunidad ang impormasyon tungkol sa programa sa halip na hintayin ang mga benepisyaryo mismo ang lumapit sa pamahalaan upang humingi ng tulong.
Samantala, nangako si Food and Drug Administration (FDA) Director General Margarita Gutierrez na tatapusin ng ahensya sa loob ng isang taon ang mga nakabinbing aplikasyon para sa mga gamot at iba pang healthcare products.
Layunin nitong mapabilis ang pag-apruba sa mga gamot upang mas mabilis na maging available ang mga gamot sa bansa.
Upang mapabilis ang trabaho, plano ng FDA na kumuha ng karagdagang 125 evaluator at limang systems analyst, na tutulong sa pagproseso ng mga aplikasyon, lalo na sa mga gumagamit pa ng manu-manong sistema.
Isinusulong din ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang pagsasama ng pagbabayad ng mga kontribusyon ng pamahalaan sa eGov Superapp upang mas mapadali ang paggamit ng mga serbisyo nito.
Nakatakda rin sa Nobyembre ang pilot implementation ng regulatory sandbox para sa mga botika upang subukan ang pagpapahusay sa kanilang mga serbisyo.
Sa pamamagitan ng mga ito, layon ng administrasyon na bawasan ang mga hadlang ng pagkuha ng serbisyong-medikal at tiyaking napapakinabangan ng publiko ang mga healthcare services na pinopondohan ng pamahalaan. – VC











