IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, hinikayat ang mga business leader sa 2026 Forbes Global CEO Conference na maglagak ng pamumuhunan sa Pilipinas at ASEAN

410
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. during the 2026 Forbes Global CEO Conference in Singapore last Thursday, October 8. (Photo courtesy of PCO)

Hinikayat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga business leader at mga dayuhang namumuhunan na palawakin ang kanilang pamumuhunan sa Pilipinas at iba pang mga bansang kasapi ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).

Ito ang naging sentro ng pakikilahok ng Pangulo sa 2026 Forbes Global CEO Conference sa Singapore, kasunod ng paanyaya ni Singapore Prime Minister Lawrence Wong, sa kapasidad ni Pangulong Marcos Jr. bilang kasalukuyang chair ng ASEAN.

Sa high-level dialogue, binigyang-diin ng Pangulo ang mga hakbang ng pamahalaan upang palakasin ang ekonomiya ng bansa, gawing mas kaakit-akit ang Pilipinas para sa pamumuhunan, at paunlarin ang digital economy sa gitna ng pag-usbong ng artificial intelligence (AI).

Sa pakikipag-usap kay Forbes Media Chairperson at Editor-in-Chief Steve Forbes, sinabi ng Pangulo na kailangang magkaroon ng malinaw na plano ang ASEAN sa paggamit at pagpapaunlad ng AI.

“ASEAN isn’t talking enough about AI. As we chair ASEAN this year, we need to put together a plan for AI, what are the things we can do to help others and how we can compete in a constructive way,” ani Pangulong Marcos Jr.

Kaugnay nito, ipinahayag ng punong ehekutibo ang hangaring maisakatuparan ang paglagda sa ASEAN Digital Economy Framework sa gaganaping 49th ASEAN Summit sa Pilipinas sa Nobyembre.

Inaasahang magsisilbi itong gabay ng 11 kasaping bansa ng ASEAN sa pagpapatupad at paggamit ng mga umuusbong na teknolohiya.

Binigyang-diin pa ni Pangulong Marcos Jr. ang mga repormang ipinatupad ng pamahalaan upang pasimplehin ang mga proseso at alisin ang mga restriksyong nagpapahirap sa pagnenegosyo ng mga dayuhang kumpanya sa bansa.

“If we are to keep up with the rest of the world, it’s a necessary development that we felt the Philippines needed to do,” ayon sa Pangulo.

Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang puhunan ng Pilipinas ang kabataang mahusay sa wikang Ingles, na makatutulong sa pagpapalakas ng kakayahan sa bansa na makipagkumpetensya sa pandaigdigang merkado.

Samantala, tinalakay naman sa pagpupulong ang mga pamumuhunan sa Luzon Economic Corridor (LEC), isang proyektong naglalayong pag-ugnayin ang mahahalagang sentro ng ekonomiya sa Luzon, kabilang ang Clark, Subic Bay, Metro Manila, at Batangas.

Kabilang din sa mga pangunahing inisyatiba ng LEC ang programang Pax Silica, na naglalayong suportahan ang pagtatatag ng mga AI hub at data center sa bansa upang mapalakas ang kakayahan ng Pilipinas sa larangan ng digital technology.

Nagtapos ang talakayan sa pagpapahayag ni Pangulong Marcos Jr. ng pag-asang malagdaan din sa Nobyembre ang Code of Conduct sa pagitan ng ASEAN at China.

Ayon sa Pangulo, mahalaga ang kasunduan upang matiyak ang kalayaan sa paglalayag at ang pagsunod sa internasyonal na batas sa South China Sea. – MP