
Ibinida ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa regional business leaders sa Singapore ang nananatiling matatag na ekonomiya ng Pilipinas sa kabila ng pandaigdigang hamon sa kalakalan at geopolitics.
Sa roundtable discussion na ginanap sa Embahada ng Pilipinas sa Singapore at pinangunahan ng Milken Institute ngayong Huwebes, Hulyo 16, ipinagmalaki ng Pangulo ang nagpapatuloy na pag-angat ng ekonomiya ng bansa sa tulong ng mahigit 52 milyong manggagawa na itinuturing bilang isa sa pinakamalaking consumer market sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN).
Kabilang sa binigyang-diin ng Pangulo ang “Build Better More” infrastructure program na nagkakahalaga ng $170 billion at binubuo ng mahigit 200 proyekto kabilang na ang Luzon Economic Corridor.
Kumpiyansa ang punong ehekutibo na magsisilbi itong pundasyon sa pagpapaigting ng advanced manufacturing, electronics, at critical mineral processing sa Pilipinas.
Samantala, inilahad ni Pangulong Marcos Jr. ang isinusulong na mga reporma ng kanyang administrasyon para makahikayat ng mga mamumuhunan sa bansa tulad ng pagluwag sa limitasyon ng foreign ownership sa public services at retail trade at pagpapahaba ng land lease nang hanggang 99 na taon.
Bahagi pa ng reporma ang pagpapahintulot sa 100% dayuhang pagmamay-ari ng renewable energy projects, kung saan layunin ng pamahalaan na mapataas ang bahagi ng renewable energy sa power mix ng Pilipinas sa 35% pagdating ng 2030 at 50% pagsapit naman ng 2050.
Ibinahagi naman ng Pangulo na maaaring makatanggap ang mga kwalipikadong negosyo ng hanggang 40 taon ng tax at non-tax incentives sa ilalim ng bagong investment incentive system.
Muling pinagtibay ni Pangulong Marcos Jr. sa harap ng mga dayuhang negosyante ang layunin ng pamahalaan na makatapos at makalagda ng hindi bababa sa limang bagong Free Trade Agreements upang mapaunlad ang oportunidad pagdating sa kalakalan at pamumuhunan ng bansa.
Sa huli, nagpasalamat ang Pangulo sa Milken Institute at sa business leaders sa kanilang patuloy na kumpiyansa at interes na magnegosyo sa Pilipinas. – VC











