IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, inatasan ang NFA na palakasin ang rice buffer stock bilang paghahanda sa El Niño

104
Views

[post_view_count]

National Food Authority warehouse. (File photo of DA)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang National Food Authority (NFA) na paigtingin ang pagbili ng palay at palawakin ang kapasidad ng mga bodega nito upang mapalakas ang rice buffer stock bilang paghahanda sa epekto ng El Niño.

Sa press briefing nitong Lunes, Oktubre 5, iginiit ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na kailangang samantalahin ng NFA ang natitirang panahon ng anihan upang makabili ng mas maraming palay at mapuno ang mga pasilidad.

“Bumibili nang bumibili ang NFA. Ubusin ang kanilang pera para mapuno iyong ating mga NFA warehouses with rice,” ani Laurel.

Samantala, umapela rin ang DA sa mga rice importer na bawasan ang pagpasok ng imported rice habang kasagsagan ng anihan upang makatulong na mapanatili ang presyo ng lokal na palay.

Sinabi ni Laurel na nasa P16 hanggang P20 kada kilo ang presyo ng wet palay sa kasalukuyan, mas mataas kumpara P8 hanggang P20 kilo noong nakaraang taon.

“Ngayon ang mga palay, kanina mino-monitor namin, pinakamababa P16.50, pinakamataas mga P20 sa wet. So, in general, okay naman ngayon,” ani Laurel.
Dahil dito, sinabi ng kalihim na wala pang nakikitang dahilan ang pamahalaan upang magpatupad ng restriksyon sa rice imports.

Patuloy namang mino-monitor ng DA ang presyo ng palay at kondisyon ng merkado upang matiyak ang patas na kita ng mga magsasaka habang napapanatili ang sapat na suplay ng bigas para sa mga mamimili.

Kasabay nito, inatasan din ni Pangulong Marcos Jr. ang DA na maghanda ng work plan para sa mga magsasaka at mangingisdang posibleng matigil ang produksyon dahil sa El Niño.

Kabilang sa plano ang pagbibigay ng trabaho sa ilalim ng TUPAD program, kung saan maaaring magsagawa ang mga benepisyaryo ng land preparation para sa susunod na planting season habang hindi sila makapagtanim.

“Iniutos ni Pangulo na gumawa kami ng work plan na baka iyong ibang TUPAD ibigay natin sa ating farmers at fisherfolk during the kasagsagan ng El Niño para habang hindi sila makapagtanim ay gumawa sila ng mga kanal, mag-land preparation for next planting season,” ani Laurel. – VC