
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglulunsad ng Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance ngayong Huwebes, Hulyo 16, sa gitna ng patuloy na tensyon sa Gitnang Silangan.
Sa ilalim pa rin ito ng Executive Order No. 110 na nilagdaan ni Pangulo noong Marso kung saan itinatag ang UPLIFT framework na naglalayong maprotektahan ang kabuhayan ng Pilipino at mapanatiling matatag ang ekonomiya.
“Layunin ng UPLIFT Assistance na mapangalagaan ang kakayahan ng mga pamilyang Pilipino na matustusan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan,” paliwanag ni Pangulong Marcos Jr. sa isang video statement.
Sa ilalim ng mas pinalawak na suporta, 7.5 milyong mga kabahayan o katumbas ng 37.5 milyong mga Pilipino ang mabibigyan ng karagdagang tulong na pangungunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at iba pang mga ahensya ng pamahalaan.
Ayon sa Pangulo, kabilang sa nilalaman ng UPLIFT Assistance para sa mga kababayang Pilipino ang mga sumusunod:
- Isang beses na karagdagang tulong na hanggang P2,000 sa 3.5 milyong mga Pilipinong benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at Walang Gutom Program.
- Pagpapalawak ng suporta sa 2.5 milyong mahihirap at malapit nang maging mahirap na mga kabahayang natutukoy sa 2024 Community-Based Monitoring System (CBMS)
- P2,000 buwanang tulong mula Hulyo hanggang Disyembre sa 1.5 milyong manggagawa at kanilang pamilya na may mababang kita, batay sa talaan ng Social Security System (SSS)
Pinalawak ang saklaw ng kasalukuyang UPLIFT upang mas maraming Pilipino pa ang makinabang sa nasabing programa kasabay ng paghahatid ng tulong sa digital na pamamaraan.
“Titiyakin ng pamahalaan na maipagkaloob ang tulong na ito nang mabilis, maayos at mas maginhawa para sa mga Pilipino sa pamamagitan ng digital na pamamaraan,” pangako ng Pangulo. – IP











