
Ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Martes, Hulyo 14, ang makabagong pasilidad ng National Academy of Sports (NAS) sa New Clark City, Capas, Tarlac, bilang bahagi ng pagpapatibay sa sports development para sa mga kabataang atletang Pilipino.
Kasama ng Pangulo sa inspeksyon si Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara, na nagsabing patuloy na palalakasin ng administrasyon ang mga pasilidad upang masuportahan ang pagsasanay ng mga batang atleta.
“We are immensely proud to see how this institution has grown into a premier hub that bridges elite athletic training and quality academic education for our youth. Under the leadership of President Marcos, we will continue to enhance these spaces to produce champions who will proudly represent the Philippines on the global stage,” ayon kay Angara.
Itinatag sa bisa ng Republic Act No. 11470, layon ng NAS na mabigyan ng natatanging landas sa edukasyon at pagsasanay sa sports ang mga kabataang Pilipinong may natatanging kakayahan sa iba’t ibang larangan.
Ngayong School Year 2026-2027, nakatakdang suportahan ng NAS ang 246 student-athletes na nagsasanay sa pitong pangunahing sports: aquatics, athletics, badminton, gymnastics, judo, table tennis, at taekwondo.
Sa isinagawang inspeksyon, binisita ng mga opisyal ang mga natapos nang gusali sa Phase 1 ng proyekto, kabilang ang Academic and Administration Building at ang Multi-Sports Gymnasium.
Samantala, nasa 98% nang kumpleto ang Phase 2 development ng gusali na kinabibilangan ng Gymnastics Hall, Sports Performance Building, at mga dormitoryo para sa mga mag-aaral at kawani.
Bukod sa libreng edukasyon at pagsasanay, tumatanggap ang bawat student-athlete ng libreng tirahan, pagkain, strength and conditioning support, at buwanang personal allowance na nagkakahalaga ng P3,000.
May kabuuang 174 na kawani ang akademya, kabilang ang mga full-time faculty, program heads, at mga specialized coaches upang matiyak ang kalidad ng pagsasanay at edukasyon ng mga mag-aaral.
Sa huling datos, nakapag-uwi na ang mga atleta ng NAS ng kabuuang 1,029 medalya sa mga pambansa at internasyunal na kompetisyon noong 2025.
Sa kamakailan lamang na 2026 Palarong Pambansa, nakasungkit din ang akademya ng 26 na medalya, kabilang ang 10 gold, limang silver, at 11 bronze.
Iginiit ng DepEd at ng National Academy of Sports ang kanilang patuloy na layunin na makapaglinang ng mga world-class na atletang Pilipino kasabay ng paghubog sa kanila bilang mga posibleng susunod na lider ng bansa. – VC











