IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, ipinag-utos ang whole-of-government approach sa harap ng banta ng Super Typhoon Bavi

159
Views

[post_view_count]

The Department of Social Welfare and Development (DSWD), together with volunteers at the Luzon Disaster Resource Center (LDRC) in Pasay City, continues the mass production of family food packs (FFPs) to ensure sufficient stockpiles are maintained in various agency warehouses in preparation for disaster response operations. (Photo courtesy of DSWD)

Inatasan na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr ang lahat ng kaukulang ahensya ng pamahalaan na agad magpatupad ng preemptive measures, habang papalapit sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Bavi, na tatawaging bagyong Inday sa oras na pumasok sa PAR.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, ipinag-utos ng Pangulo sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at iba pang ahensya na pairalin ang whole-of-government approach upang matiyak ang maagap na pagtugon sa inaasahang epekto ng bagyo.

Kabilang sa mandato ng Pangulo ang pagsasagawa ng pre-disaster risk assessment at scenario planning meetings, gayundin ang pananatiling alerto ng mga national at regional disaster response cluster.

Inatasan din ang mga ahensya na paigtingin ang pagpapalaganap ng mga babala at impormasyon sa publiko sa pamamagitan ng iba’t ibang communication platforms, at magsagawa ng preemptive evacuation sa mga komunidad na itinuturing na high-risk.

Kasabay nito, ipinatutupad ang paghahanda ng mga evacuation center, pagtatatag ng holding areas para sa mga alagang hayop, pagpoposisyon ng rescue teams at relief supplies, pagtukoy ng mga alternatibong ruta, at pag-iinspeksyon sa mga imprastraktura.

“Ito po ay whole-of-government approach. So lahat po ng ahensya na involve ay kailangang kumilos. ‘Yan po ang utos ng Pangulo,” ani Castro.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), taglay ng Super Typhoon Bavi ang lakas ng hangin na aabot sa 205 kmph at pagbugso na 250 kmph.

Batay sa pinakahuling forecast ng PAGASA as of 11 a.m. ngayong Lunes, Hulyo 6, inaasahang papasok ang bagyo sa PAR sa pagitan ng gabi ng Martes at umaga ng Miyerkules.

Sa kasalukuyang forecast track, mababa ang posibilidad na mag-landfall ang bagyo sa Pilipinas dahil inaasahang kikilos ito pahilagang-kanluran patungo sa Taiwan at Ryukyu Islands ng Japan.

Gayunman, nagbabala ang PAGASA na may tsansang dumaan ang Super Typhoon Bavi sa pinakahilagang bahagi ng Luzon, partikular sa Batanes, sa katapusan ng linggo. VC