IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, itinutulak ang electric mobility para sa mas murang gastos sa biyahe, dagdag-trabaho

100
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. visited the Manufacturing and Assembly Plant of Sazgar Philippines Inc. in Binan, Laguna today, October 29. (Photo courtesy of PCO)

Isinusulong ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalawak ng paggamit ng mga electric vehicle (EV) sa bansa upang mapababa ang gastos sa transportasyon, makalikha ng trabaho, at mapalakas ang lokal na industriya ng sasakyan.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng electronic mobility sa kanyang pagbisita sa planta ng Sazgar Philippines Inc. sa Brgy. Mamplasan, Biñan, Laguna ngayong Huwebes, Oktubre 29.

“Mas mababang gastos sa gasolina, mas malaki ang maiuuwi sa ating mga pamilya,” ani Marcos.

Ayon sa Pangulo, kayang bumiyahe ng mga electric tricycle (e-trike) ng Sazgar nang 100 hanggang 210 kilometro sa isang kargahan ng baterya, na maaaring makatugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga tsuper.

Tinatayang anim hanggang walong oras naman ang kinakailangan upang ganap na ma-charge ang mga ito.

Inaasahang magbibigay din ng karagdagang trabaho at magpapalakas sa lokal na industriya ng sasakyan ang pamumuhunan ng kumpanya sa bansa.

May kapasidad ang planta ng Sazgar na gumawa ng humigit-kumulang 12,000 three-wheeled vehicle, kabilang ang mga electric at gumagamit ng internal combustion engine.

Kaugnay nito, hinimok ng Pangulo ang kumpanya na dagdagan ang pagkuha ng mga piyesa mula sa mga lokal na negosyo upang mapalawak ang oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.

Ang Sazgar, na 60% pag-aari ng Pilipino, ang kauna-unahang planta ng kumpanya sa labas ng Pakistan.

Plano rin itong gawing manufacturing hub para sa Southeast Asia.

Ayon pa kay Pangulong Marcos Jr., makatutulong ang paggamit ng electric vehicle upang mabawasan ang pagdepende ng bansa sa inaangkat na langis at maisulong ang mas malinis na transportasyon.

Target ng pamahalaan na umabot sa 50% ang bahagi ng mga electric vehicle sa kabuuang mga sasakyan sa bansa pagsapit ng 2040. – VC