
Binigyang-pugay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang 125 taon ng paglilingkod ng Philippine Coast Guard (PCG) sa bansa kasabay ng paggiit sa pangangailangan na palakasin ang kakayahan at kahandaan ng hukbo sa pagharap sa mga hamon sa seguridad sa karagatan.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng ika-125 anibersaryo ng pagkakatatag ng PCG ngayong Biyernes, Oktubre 16, sinabi ng Pangulo na mahalaga ang patuloy na paghahanda ng ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga mamamayan at karagatan.
“Let us look to the horizon with confidence and a renewed commitment to strengthening its capabilities and readiness to respond to increasingly complex maritime challenges,” ani Pangulong Marcos Jr.
Binanggit din ng Pangulo ang tungkulin ng PCG sa pagsagip ng mga buhay at pagtugon sa mga kalamidad.
Aniya, sa nakalipas lamang na taon, nakapagsagawa ang PCG ng mahigit isang milyong inspeksyon sa mga sasakyang-pandagat sa mga pantalan sa buong bansa upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.
Nailikas din ng ahensya ang halos 95,000 katao sa pamamagitan ng search and rescue operations, habang nakatulong sa humigit-kumulang 138,000 indibidwal sa panahon ng mga kalamidad at emergency.
Kabilang dito ang operasyon sa paghahanap at pagsagip sa mga biktima matapos lumubog ang MV Trisha Kerstin 3 sa Basilan.
Ayon pa sa punong ehekutibo, nakatulong ang PCG sa paghahatid ng mga food pack at water desalination mula Maynila patungong Catanduanes matapos ang Bagyong Uwan.
“All of these reflect the many responsibilities that come with serving an archipelago,” saad ng Pangulo.
Kasabay nito, kinilala rin ng lider ang ambag ng PCG sa pangangalaga ng kapaligiran ng mga karagatan sa pamamagitan ng paglilinis ng mga baybayin at pagtatanim ng puno.
Samantala, kinilala ng Pangulo ang mga volunteer ng Philippine Coast Guard Auxiliary, kabilang si First Lady Liza Araneta-Marcos, sa kanilang suporta sa mga operasyon at misyon ng PCG.
Kasabay nito, ginawaran din ang mga distrito, istasyon, tauhan, at kawani ng PCG na nagpakita ng natatanging pagganap sa tungkulin, gayundin ang mga kinikilalang Ships and Aircraft of the Year.
Sa huli, hinimok ni Pangulong Marcos Jr. ang mga tauhan ng PCG na ipagpatuloy ang kanilang tapat na paglilingkod at paunlarin ang kanilang kakayahan upang mas matugunan ang mga hamon sa karagatan.
“With capable personnel, sound leadership, and unwavering dedication to the Filipino people, I am confident that we can fulfill this mission,” ani Pangulo. – MP











