
Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong Huwebes, Hulyo 23, ang pamamahagi ng bigas sa 16,000 benepisyaryo sa Puerto Princesa sa ilalim ng Bawat Bayan Makikinabang Program, kasabay ng pagbibigay ng educational assistance sa mga Presidential Scholar.
Sa ilalim ng programa, tumatanggap ang bawat kwalipikadong benepisyaryo ng 10 kilong bigas kada dalawang buwan.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga solo parent, senior citizen, at mga pamilyang may mababang kita.
As of July 22, 2026, nasa 1,276 na lokal na pamahalaan sa buong bansa ang nakatanggap na ng pondo mula sa programa.
Kasunod ng pamamahagi ng bigas, pinangunahan din ng Pangulo ang ceremonial turnover ng tseke para sa 330 Presidential Scholars, bilang bahagi ng patuloy na pagbibigay ng tulong pang-edukasyon sa ilalim ng Socio-Civic Projects Fund (SCPF).
Sa kanyang talumpati, hinikayat ng Pangulo ang mga iskolar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng kanilang komunidad at ng bansa.
“Maging katuwang nawa kayo ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng inyong komunidad at ng ating bansa,” ayon sa Pangulo.
Sa ilalim ng SCPF, tumanggap ng tig-P200,000 ang bawat isa sa kabuuang 66 barangay ng Puerto Princesa.
Kalahati ng halaga o P100,000 ay inilaan sa edukasyon upang mabigyan ng tig-20,000 ang mga Presidential Scholar kada barangay.
Ang natitirang P100,000 ay inilaan para sa pagbili ng office equipment, streetlights, at iba pang community projects na magpapahusay sa serbisyo publiko at paghahanda sa sakuna ng mga komunidad.
Bukod dito, inanunsyo rin ng Pangulo na tumanggap ang bawat barangay ng showcase package na binubuo ng mga computer, printer, tent, at upuan upang mapalakas ang operasyon ng mga barangay.
Isinagawa ang distribusyon sa Edward Hagedorn Coliseum sa lungsod bilang bahagi ng pagbisita ng Pangulo sa Palawan.
Dumalo rin sa programa sina Puerto Princesa City Mayor Lucilo Rodriguez Bayron, Palawan 2nd District Representative Jose Chaves Alvarez, at 3rd District Representative Gil Acosta.
Pinondohan ang programa sa pamamagitan ng Local Government Support Fund (LGSF) na naglalayong mapabilis ang paghahatid ng mga serbisyo ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang mga nasasakupan.
Ayon sa Pangulo, isinasaayos ng pamahalaan ang sistema ng LGSF upang mas mapabilis ang pagpapatupad ng mga programa sa mga lokal na komunidad.
“Aayusin ko at gagawin nating maganda ang sistema sa LGSF. Ang LGSF ay nakatalaga para sa local government,” ani Pangulo.
Sa huli, muling hinikayat ng Pangulo ang mga iskolar na pagbutihin ang kanilang pag-aaral, at iginiit na ang edukasyon ay isa sa pinakamahalagang puhunan para sa kanilang kinabukasan.
“Para sa Bagong Pilipinas Presidential Scholars, panimulang puhunan lamang ang SCPF para sa mga kabataang Pilipino. Pagbutihin ninyo ang inyong pag-aaral,” ani Pangulo. – VC











