
Iginiit ng Malacañang na nananatiling nakatuon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa pagtupad ng kanyang mga tungkulin at paghahatid ng serbisyo sa publiko sa kabila ng pagtaas ng kanyang satisfaction rating sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa press briefing ngayong araw, Hulyo 15, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na hindi naaapektuhan ng resulta ng mga survey ang Pangulo.
“Ang Pangulo ay hindi po apektado ng numero. Tumaas ‘yan, bumaba ‘yan. Ang focus ng Pangulo ay magtrabaho. Kung ano ang kailangang ipaabot sa ating mga kababayan, ‘yun po ang gagawin ng ating Pangulo,” ani Castro.
Batay sa SWS survey na isinagawa mula Hunyo 20-29, umakyat sa 38% ang satisfaction rating ni Pangulong Marcos Jr. mula sa 33% noong Marso.
Samantala, bumaba sa 45% mula sa 49% ang bilang ng mga hindi nasisiyahan sa kanyang pamumuno, habang bahagyang bumaba rin sa 17% mula sa 18% ang mga hindi makapagpasya.
Nilinaw naman ni Castro na bagama’t hindi naaapektuhan ang Pangulo ng mga survey, ginagamit ng mga miyembro ng Gabinete ang mga resulta bilang batayan upang matukoy ang mga programang nangangailangan ng higit na pagtutok at pagpapalakas.
“Hindi ‘yan dini-disregard at ito naman ay nakikita rin ng mga miyembro ng Gabinete, ano ang dapat na i-push, ano ‘yung dapat na pagtuunan ng pansin,” paliwanag ni Castro.
Bukod sa kabuuang satisfaction rating, iniulat din ng SWS na tumaas ang net satisfaction ng Pangulo sa lahat ng pangunahing rehiyon ng bansa.
Pinakamataas ang kanyang naitalang net satisfaction sa Balance Luzon na may +11 o nasa antas na “moderate” sinundan ng Visayas na may -3 (neutral), Metro Manila na may -24 (poor), at Mindanao na may -35 (bad).
Samantala, umangat din ang net satisfaction ng Pangulo sa rural areas mula -9 noong Marso tungo sa -2 noong Hunyo.
Sa mga urban area naman, tumaas ito mula -20 patungong -12.
Isinagawa ang survey sa pamamagitan ng face-to-face interview sa 1,200 adults Filipinos sa buong bansa, na mayroong sampling error margin na ±3% sa pambansang antas at ±6% para sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. – VC











