IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nangakong ipagpapatuloy ang mga reporma para sa proteksyon at kapakanan ng mga Pilipinong marino

Michael Peronce
50
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the Commencement Exercises of the Philippine Merchant Marine Academy ‘Salighirang’ Class of 2026 in San Narciso, Zambales on Friday, July 17. (Photo from PCO)

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipagpapatuloy ng kanyang administrasyon ang mga hakbang para sa proteksyon ng mga Pilipinong marino, at patuloy na isusulong ang kanilang pagsabay sa pandaigdigang pamantayan.

Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng “Salighirang” Class of 2026 ng Philippine Merchant Marine Academy (PMMA), ibinahagi ng Pangulo ang mas pinalakas na maritime education at mga pagsasanay, mas pinabuting certification systems, pasilidad at mga kagamitan para sa mga marino.

Ayon pa sa punong ehekutibo, agad na kumilos ang pamahalaan para sa malalim na pakikipag-ugnayan sa international partners upang masigurong naaabot ng mga pamantayan ng Pilipinas ang global expectations.

“Through these efforts, we will continue to safeguard the global employability of Filipino seafarers. At the same time, we will uphold the highest international standards in our maritime education, training, and certification system,” saad ni Pangulong Marcos Jr.

Sinabi ng Pangulo na palaging handa ang gobyerno sa pagtulong at sa pagbibigay-prayoridad sa kaligtasan at kapakanan ng mga Pilipinong marino.

Sa gitna ito ng patuloy na paglalayag ng maraming mga tripulanteng Pilipino sa kabila ng hindi tiyak na sitwasyon sa karagatan, lalo na sa mga lugar na patuloy na apektado ng tensyon sa Gitnang Silangan.

Samantala, nanawagan ang Pangulo sa mga nagsipagtapos sa PMMA sa San Narciso, Zambales na mamuno at maglingkod nang may pagpapakumbaba, kahusayan at integridad.

“Sa ating mga nagtapos: kayo ang ilaw na susundan ng iba. As you sail across the globe, know that you have with you the hopes of your families, the lessons imparted by the Academy, and the support of a nation that believes in you,” mensahe ni Pangulong Marcos Jr.

May kabuuang 327 na mga kadete ang nagsipagtapos kabilang ang 146 midshipmen mula sa College of Marine Transportation, at 181 midshipmen naman mula sa College of Marine Engineering. – VC