IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nangakong makikipagtulungan sa bagong halal na pamahalaan ng Bangsamoro

85
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. graced the inaugural session of the Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Parliament at the Bangsamoro Government Center in Cotabato City today, October 30. (Photo from PCO)

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na makikipagtulungan ang pambansang pamahalaan sa bagong halal na pamahalaan ng Bangsamoro kasunod ng pormal na pagsisimula ng bagong yugto ng parliamentary government sa rehiyon.

Sinabi ito ng Pangulo sa kanyang talumpati sa inaugural session ng Bangsamoro Parliament sa Bangsamoro Government Center sa Cotabato City ngayong Biyernes, Oktubre 30.

“We stand ready to work with the government formally constituted by this newly elected parliament,” ani Pangulong Marcos Jr.

Ayon sa Pangulo, ang inaugural session ay hudyat ng pormal na pagtatapos ng pitong taong transisyon sa ilalim ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) at simula ng bagong yugto ng parliamentary government sa rehiyon.

Inilarawan din niya ang makasaysayang okasyon bilang tagumpay hindi lamang ng mamamayang Bangsamoro kundi maging ng buong Mindanao at sambayanang Pilipino.

Sa unang regular na sesyon, sisimulan ng 80 halal na miyembro ang pag-oorganisa ng bagong parliament, kabilang ang pagpili sa Chief Minister at Speaker, na mangunguna sa Executive branch at Cabinet, gayundin sa dalawang Deputy Chief Minister.

Binigyang-diin naman ni Pangulong Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagtatatag ng isang epektibo na parliamentary government upang mapanatili ang mga tagumpay ng proseso ng kapayapaan at higit pang maisulong ang kaunlaran sa rehiyon.

Aniya, mahalagang maisalin ang mga adhikain ng kapayapaan sa mga konkretong programa at serbisyong direktang mapakikinabangan ng mamamayan, kabilang ang maayos na pamamahala sa pondo ng bayan, paglikha ng mga oportunidad sa ekonomiya, at pagpapaunlad ng rehiyon.

Sa huli, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na patuloy na palalawakin ng pambansang pamahalaan ang mga oportunidad sa ekonomiya sa Mindanao.

“Sa mga mamamayan ng Bangsamoro, kasama ninyo ang pambansang pamahalaan. Ang inyong tagumpay ay tagumpay ng buong bansa. Hindi namin kayo pababayaan,” saad ng Pangulo.  – VC