IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nangakong palalakasin ang professional development ng mga guro

93
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the celebration of the 2026 National Teachers’ Month in The Manila Hotel today, September 30. (Photo courtesy of PCO)

Nangako si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palalakasin ng pamahalaan ang pagsasanay at professional development ng mga guro upang matugunan ang kanilang pangangailangan at masuportahan ang pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon.

Sinabi ito ng Pangulo sa paggunita ng 2026 National Teachers’ Month sa The Manila Hotel ngayong Miyerkules, Setyembre 30.

Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na mahalagang mabigyan ang mga guro ng angkop na pagsasanay, kabilang ang mga bagong pamamaraan sa pagtuturo.

“Teaching is a vocation. And the least that we in government can do is to support you in that vocation; to make you more professional; to make you more knowledgeable; to keep you learning as well about the new techniques,” ani Pangulo.

Binanggit din niya ang ilang hamon na kinakaharap ng mga guro, kabilang ang pagtatalaga sa kanila sa mga asignaturang hindi tugma sa kanilang espesyalisasyon at mga training program na hindi tumutugon sa kanilang pangangailangan sa silid-aralan.

Ayon sa Pangulo, tutugunan ng pamahalaan ang mga kakulangang ito sa pamamagitan ng mga programa tulad ng Teacher Education Roadmap 2035, scholarship program para sa Teacher Education Centers of Excellence, at MyTEC.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang epekto ng mabilis na pag-unlad ng teknolohiya at artificial intelligence (AI) sa edukasyon.

Sinabi niyang maaaring baguhin ng teknolohiya at AI ang paraan ng pagkatuto ng mga mag-aaral, ngunit hindi nito mapapalitan ang papel ng guro sa paggabay sa mga bata sa pagtukoy kung ano ang tama, mahalaga, at wasto.

“Technology, AI, will change how our children learn but it cannot replace a teacher who guides them in deciding what is true, what is important, and what is right,” ani Pangulo.

Dahil dito, hinimok niya ang mga guro na hubugin ang mga mag-aaral na maging mapanuri, marunong kumilatis ng impormasyon, may kakayahang gumawa ng matalinong desisyon, at may malasakit sa kapwa.

“We want capable young Filipinos who will one day lead our communities, our institutions, our country; and lead with wisdom, competence, and with empathy,” ani Pangulo.

Sa huli, nanawagan si Pangulong Marcos Jr. sa mga guro na ipagpatuloy ang kanilang paglilingkod at hinimok ang mga katuwang ng pamahalaan na suportahan ang pagpapalakas ng propesyon.

“Let us continue championing the teaching profession. Give our teachers every opportunity to become better at the work that they do,” ani Pangulo. – VC