
Ganap nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 130 na nagtatakda ng iisang sistema sa pagsususpinde at pagpapatuloy ng face-to-face classes sa mga paaralan sa buong bansa, batay sa mga babala ng kalamidad at aktwal na kondisyon sa bawat lugar.
Sa ilalim ng kautusan, ipatutupad ang tatlong mekanismo ng pagsususpinde ng klase: automatic suspension, localized suspension, at granular suspension.
Sa ilalim ng automatic suspension, awtomatikong ihihinto ang face-to-face classes batay sa mga babala at abiso ng mga pambansang ahensya, tulad ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) at Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Samantala, sa localized suspension, binibigyan ng kapangyarihan ang mga local chief executive (LCEs) na magsuspinde ng klase kung mapanganib ang sitwasyon sa kanilang nasasakupan.
Kailangan lamang ibatay ang desisyon sa documented risk assessment, sa pakikipag-ugnayan sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at iba pang kinauukulang ahensya.
Sa kabilang banda, pinapayagan din ang mga paaralan na magpatupad ng granular suspension kung may napipintong banta sa kaligtasan, kalusugan, o kapakanan ng mga mag-aaral at kawani.
Gayunman, maaari lamang gamitin ang mekanismong ito kung walang umiiral na automatic o localized suspension sa lugar.
Nakasaad din sa EO 130 na maaaring ipagpatuloy ang face-to-face classes matapos ang itinakdang panahon ng suspensyon, alinsunod sa kinakailangang safety inspections.
Maaari ring humiling ang mga paaralan ng mas maagang pagbabalik sa face-to-face classes kahit saklaw pa ng local suspension ang kanilang lugar.
Kailangan lamang nilang magsumite ng katibayan na ligtas nang gamitin ang kanilang mga pasilidad at makuha ang pag-apruba ng LCEs.
Sa press briefing ngayong Martes, Nobyembre 3, sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na layunin ng bagong kautusan na tiyakin ang kaligtasan at tuluy-tuloy na pagkatuto ng mga mag-aaral sa tulong ng alternative learning modalities.
Itinalaga naman ang Department of Education (DepEd) bilang pangunahing ahensyang mangangasiwa sa pagpapatupad ng bagong sistema, katuwang ang CHED, TESDA, PAGASA, PHIVOLCS, DENR, DILG, DPWH, at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Inaatasan din ang DepEd na maglabas ng implementing guidelines sa loob ng 30 araw mula sa bisa ng kautusan upang tukuyin ang mga pamantayan, kinakailangang dokumento, takdang panahon, at coordination procedures para sa maayos na pagpapatupad ng kautusan. – MP











