IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, nilagdaan ang kautusan na magbibigay insentibo sa mga mamumuhunan sa paggawa ng electric vehicles sa bansa

Michael Peronce
114
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. signed Executive Order No. 121 on Wednesday, July 29, which establishes the Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program. (Photo Courtesy from PCO)

Pormal nang nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Executive Order (EO) No. 121 na nagtatatag sa Electric Vehicle Incentive Strategy (EVIS) Program na inaasahang magpapaunlad sa lokal na paggawa ng EVs at maghihikayat ng pamumuhunan sa automotive industry sa Pilipinas. 

Sa ilalim ng kautusan, makakatanggap ng fiscal incentives ang makikilahok sa lokal na paggawa ng mga hybrid at battery electric passenger cars, commercial vehicles, kabilang ang mga parte at bahagi nito. 

Pangunahing layunin ng EVIS Program ay palawakin ang lokal na paggawa ng EVs habang lumilikha ng dekalidad na trabaho, binabawasan ang pagdepende ng bansa sa fossil fuels, at pagsulong sa Pilipinas bilang regional automotive manufacturing hub. 

“The EVIS Program shall provide time-bound, targeted, performance-based, and transparent fiscal support to encourage strategic investments in domestic EV manufacturing,” ayon sa kautusan. 

Para makabilang sa programa, ang mga kalahok ay kailangang magsagawa ng mga bagong pamumuhunan, mangako nang hindi bababa sa P5 bilyong kapital, tugunan ang production targets, at ipakilala ang kanilang locally manufactured EV models sa loob ng tatlong taon mula sa pagpaparehistro. 

Maaring magrehistro ang mga kwalipikadong manufacturer nang hanggang dalawang EV models at makatanggap ng dalawang klase ng insentibo: 

  • Fixed Investment Support  – sakop nito ang bahagi ng gastusin sa capital gaya ng mga kagamitan, research and development, pagpalawak ng pasilidad at maging ang start up costs.
  • Production Volume Incentives – para sa mga lokal na produksyon

Tatanggap ang kwalipikadong mga kalahok ng Tax Payment Certificates na maaaring magamit para mabayaran ang ilang pambansang buwis at  obligasyon sa importasyon.

Ang EVIS program ay may maximum incentive ceiling na P60 bilyon, kung saan may hanggang P15 bilyong nakalaan sa bawat enrolled EV model at nakadepende sa taunang budget process. 

Pangungunahan ng Board of Investments ng Department of Trade and Industry ang implementasyon ng nasabing programa, katuwang ang inter-agency committee na binubuo ng Department of Finance, Department of Energy, Department of Transportation, at Department of Budget and Management. – VC