IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinabibilis na ang konstruksyon ng Balog-Balog project upang mas mapalakas ang irigasyon at energy supply sa Central Luzon

Dar Lumocso
89
Views

[post_view_count]

Inspection of the ongoing construction of the Balog-Balog Multipurpose Project Phase II Dam in Barangay Maamot, San Jose, Tarlac. (Photo Screengrab from RTVM)

Pinabibilis na ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa National Irrigation Administration (NIA) ang konstruksyon ng Balog-Balog Multi-Purpose Project (BBMP) Phase II, isang proyektong inaasahang magpapalakas ng irigasyon at power generation sa Central Luzon.

Ang P20.544 bilyong halaga na infrastructure project na matatagpuan sa Barangay Maamot, San Jose, Tarlac ay magbibigay ng patubig sa nasa 34,410 ektaryang lupain kung saan nasa 21,776 magsasaka ang makikinabang at inaasahang makakalikha ng 43.5 megawatts ng renewable energy sa rehiyon.

Isang inspeksyon naman ang isinagawa sa pangunguna ni NIA Administrator Eduardo “Eddie” Guillen sa nasabing project site kung saan iginiit niya ang pangako ng administrasyon na matapos ang matagal ng natetenggang proyekto na magbibigay ng direktang benepisyo sa mamamayan, partikular na sa mga magsasaka.

“The mindset of the President is not the color of politics, but what is most important is the benefits for the interest of the people,” ayon kay Guillen.

Inilarawan din ng opisyal ang Balog-Balog bilang isa sa pinakamahirap na proyektong isinasagawa ng NIA dahil sa komplikadong engineering works nito, kabilang ang pagtatayo ng dalawang diversion tunnel at mga engineering feature upang makayanan ang mga malalakas na lindol.

Gayunpaman, iniulat ng ahensya na nasa 45.79% na ang kabuuang physical accomplishment ng proyekto kung saan mula sa target na 313.10 kilometrong irrigation canals at drainage facilities, 231.4 kilometro na ang nakumpleto. – VC