IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinalakas ang mga irigasyon sa Cagayan at Ifugao sa harap nararanasang El Niño, ipinag-utos ang mabilisang pagkumpleto sa mga proyektong pang-enerhiya

204
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the inauguration of the P1.49-billion Alfonso Lista Pump Irrigation System (ALPIS) in Lista, Ifugao today, October 26. (Photo courtesy of PCO)

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapasinaya sa dalawang proyekto ng irigasyon sa Cagayan at Ifugao ngayong Lunes, Oktubre 26, upang mapalawak ang suplay ng tubig sa mga sakahan, mapataas ang produksyon ng palay, at mapalakas ang kahandaan ng mga magsasaka sa epekto ng El Niño.

Kasabay ng kanyang pagbisita sa Cagayan at Ifugao, nagtungo rin ang Pangulo sa Integrated Remote Operations Center (iROC) ng SN Aboitiz Power Magat Inc. sa Ramon, Isabela, kung saan kanyang sinuri ang mga sistema para sa pagsubaybay at pamamahala sa mga pasilidad ng paglikha ng kuryente.

Unang pinasinayaan ng Pangulong Marcos Jr. ang Pamplona Solar Pump Irrigation Project (SPIP) sa Brgy, Gattu, Pamplona, Cagayan, na inaasahang magbibigay ng mas maaasahang suplay ng tubig sa 307 magsasaka mula sa limang barangay.

Ayon sa National Irrigation Administration (NIA), binubuo ang proyekto ng tatlong solar-powered submersible pump na may kapasidad na 50 horsepower bawat isa at pinatatakbo ng 384 solar panel.

Sasaklawin ng pasilidad ang kabuuang 602.62 ektarya ng lupang sakahan at naibalik din nito ang serbisyo ng irigasyon sa 100 ektarya ng agricultural land.

Kabilang sa mga benepisyaryo ang mga magsasaka sa mga barangay ng Gattu, Capallalian, San Juan, Allasitan at Cassitan, kung saan pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan ang pagtatanim ng palay.

Sunod namang pinasinayaan din ng Pangulo ang Alfonso Lista Pump Irrigation System (ALPIS) sa Brgy. Sto. Domingo, Alfonso Lista, Ifugao, na nagkakahalaga ng P1.49 bilyon at inaasahang pakikinabangan ng 1,315 magsasaka.

Ayon sa punong ehekutibo, inaasahang tataas mula P16 milyon tungo sa P159 milyon ang kabuuang kita ng mga magsasaka sa lugar sa sandaling lubos nang mapakinabangan ang pinalawak na sistema ng irigasyon.

Inaasahan ding tataas ang taunang produksyon ng palay mula 900 metric tons tungo sa 26,000 metric tons, kasabay ng pagpapalawak ng saklaw ng irigasyon mula 275 ektarya hanggang 2,300 ektarya.

“Ang produksyon ng palay noon ay 900 metric tons. ’Pag nagamit na ito, pagka-fully utilized na itong ating ALPIS, itong ating pumping station, ang projection natin na ang magiging ani ay 26,000 tons,” ani Pangulo.

Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng ALPIS, na kukuha ng tubig mula sa Magat Dam, sa paghahanda ng sektor ng agrikultura sa inaasahang matinding epekto ng El Niño.

“Naging mas mahalaga pa ito dahil nararamdaman na natin ang ‘super’ El Niño na tinatawag,” dagdag niya.

Bukod sa mga proyektong pang-irigasyon, ipinakita naman sa Pangulo mula sa kanyang pagbisita sa iROC ang miniature model ng Alimit Dam, na bahagi ng panukalang Alimit Hydropower Complex.

Ipinaliwanag sa lider kung paano ginagamit ng pasilidad ang real-time monitoring sa pagpapatakbo at pamamahala ng mga hydroelectric power plant at battery energy storage system (BESS).

Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Department of Energy (DOE) na pabilisin ang pagkumpleto ng mga proyekto sa enerhiya na inaasahang magdaragdag ng kabuuang 1,500 megawatts (MW) sa suplay ng kuryente sa bansa.

Kabilang dito ang 253 MW mula sa battery energy storage system at 218 MW mula sa mga power barge, na inaasahang maidaragdag sa unang bahagi ng 2027. – MP