
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang coverage ng social protection para sa mga nagtatrabaho sa pamahalaan sa ilalim ng contract of service (COS) at job order (JO).
Sa bisa ng Administrative Order (AO) No. 43., inaatasan ang mga sakop na ahensya ng pamahalaan na pangasiwaan ang boluntaryong kaltas sa sahod ng COS at JO workers at pag-remit sa Social Security System (SSS), Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), at Pag-IBIG Fund.
Nakasaad sa kautusan na maaari lamang isagawa ang kaltas kung may pahintulot mula sa mga manggagawa alinsunod sa Republic Acts No. 11199, 11223 at 9679.
Inaatasan din ang mga ahensya na magpatupad ng angkop na mekanismo upang makalahok ang COS at JO workers, at mabigyan sila ng sapat na impormasyon tungkol sa mga available na social protection program.
Sakop ng kautusan ang mga departamento, ahensya, bureau, tanggapan, at iba pang instrumentalities ng national government, kabilang ang government-owned or controlled corporations (GOCCs) at state universities and colleges (SUCs) na sineserbisyuhan ng individual COS at JO workers.
Hinikayat din ang mga local government unit (LGU) na sundin ang mga probisyon ng AO 43.
Ang mga concerned agencies ay dapat direktang i-remit ang kontribusyon sa SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund at tiyaking napapanahon ang remittance nito.
Nilinaw namn sa AO 43 na hindi nito binabago ang umiiral na contractual relationship sa pagitan ng mga ahensya ng pamahalaan at kanilang COS o JO workers.
Kaugnay nito, inatasan din ng Pangulo ang Department of Budget and Management (DBM), Civil Service Commission (CSC), Commission on Audit (COA), SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG Fund na maglabas ng kinakailangang mga kautusan at accounting procedures para sa implementasyon nito.
Samantala, nakasaad sa Joint Circular No. 1, s. 2025 ng CSC, COA, at DBM na maaaring pagkalooban ng premium na hindi lalampas sa 20% ng compensation ang COS at JO workers upang makatulong sa kanilang voluntary o self-employed contributions sa mga government-mandate social security program. – VC











