IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinamamadali ang paglilinis ng Baclaran River sa DPWH at MMDA

Michael Peronce
98
Views

[post_view_count]

President Ferdinand R. Marcos Jr. led the inspection of clearing, dredging, and waste collection operations of several government agencies and the local government at Baclaran River in Parañaque City on Wednesday, August 12. (Photo courtesy to PCO)

Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magpadala ng mga tauhan at kagamitan tulad ng dump trucks, backhoes at inflatable rubber boat, para pabilisin ang paglilinis sa Baclaran River sa Parañaque City.

Personal na ininspeksyon ng Pangulo ang Baclaran River kung saan nagpapatuloy ang paglilinis at pangongolekta ng mga basura.

Kamakailan nang iulat ng publiko ang malawakang pagkaipon ng mga basura sa naturang ilog bunsod ng malakas na ulang dala ng pinalakas na Habagat at nagdaang mga bagyo.

Sa isang ambush interview, binanggit ng punong ehekutibo na resulta ito ng malakas na pag-ulan sa nakaraang linggo at sinamahan ng naipong mga basura at napinsalang trash trap.

“First time na nangyari rito na three days ago napuno itong Parañaque… dati hindi nangyayari ‘yan. ‘Yong bumagsak na tubig in the last week is the equivalent of one month’s rainfall, almost one meter. Kaya tayo nagkakaganito, nagkakaproblema tayo ng ganito,” paliwanag ng Pangulo.

Kaagapay din sa isinasagawang cleaning operations ang Bureau of Fire Protection, Department of Environment and Natural Resources’ Estero Rangers, at mga benepisyaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment.

Samantala, suportado naman ng MMDA ang panawagan para sa mas mahigpit na multa laban sa hindi tamang pagtatapon ng basura.

Hinimok din ng ahensya ang publiko na suportahan ang waste management efforts ng pamahalaan sa tamang pagtatapon ng basura at iwasan ang iresponsableng gawain na magpapabara sa mga daluyan ng tubig.

Sa ilalim naman ng kampanyang Oplan Kontra Baha, pinalakas ng gobyerno ang flood mitigation measures kung saan kabilang ang declogging, large-scale dredging, at clearing operations sa buong Kamaynilaan.

As of June 30, naisagawa na ang declogging activities sa 48 drainage systems habang 32 waterways na ang may dredging operations sa Metro Manila.

Nananatili namang gumagana ang lahat ng 73 MMDA pumping stations sa rehiyon habang nakahanda rin sa deployment ang mobile pumps sa mga bahaing lugar kung kinakailangan.

Nakumpleto na ng ahensya ang paglilinis at rehabilitasyon sa 40 mga estero sa rehiyon sa ilalim ng Bayanihan sa Estero Program. -VC