
Pinasinayaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong araw, Hulyo 24, ang Department of Health – Jose B. Lingad Children’s Medical Center (DOH-JBL CMC) sa loob ng Clark Freeport sa Pampanga, bilang bahagi ng pagpapalawak ng access sa specialized healthcare sa labas ng Metro Manila.
Ang bagong children’s hospital ang kauna-unahang natapos na pasilidad sa ilalim ng Clark Multi-Specialty Medical Center complex.
Ayon sa Pangulo, magsisimulang tumanggap ng mga pasyente ang state-of-the-art pediatric hospital sa Agosto 1, kung saan magbibigay ito ng libre at high-quality specialized medical services para sa mga bata at kanilang mga pamilya mula sa Regions I, II, III at mga karatig-lugar.
Sa kanyang talumpati, sinabi ng Pangulo na katuparan ang pagbubukas ng ospital sa layuning mailapit ang specialized healthcare sa mga Pilipino, lalo na sa mga pamilyang dati pang kinakailangang bumiyahe patungong Metro Manila upang magpagamot.
“This state-of-the-art pediatric facility will provide free, high-quality care to children and families from Regions I, II, and III, and neighboring areas,” ayon sa Pangulo.
Iginiit din ng punong ehekutibo ang patuloy na pagpapatupad ng Zero Balance Billing (ZBB) Program sa ospital, kasama ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program at Yaman ng Kalusugan Program, upang matiyak na walang pasyenteng hindi makakapagpagamot dahil sa kakulangan sa kakayahang magbayad.
“Here in this hospital, I am happy to announce that the ZBB will continue. This way, no individual will be denied care simply because they do not have the capacity to pay,” ani Pangulo.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang pagpapalawak ng mga benepisyo ng PhilHealth, kabilang ang enhanced newborn care package na sumasaklaw sa newborn screening, mga bakuna, at paggamot para sa mga premature at low-birth-weight na sanggol.
Sunod na itatayo sa complex ang iba pang specialty facilities tulad ng Renal Center, Cardiovascular Center, at Cancer Center.
Ayon sa Pangulo, ang bagong medical center ay simbolo ng pag-asa hindi lamang para sa mga batang pasyente kundi maging sa kanilang mga pamilya, dahil bawat batang gagaling sa ospital ay nagdadala ng panibagong pag-asa para sa kinabukasan ng bansa.
“Sa bawat batang gagaling dito, may bagong pag-asa na sumisimbolo para sa kaniyang pamilya at para sa ating Bagong Pilipinas,” ani Pangulo. – VC











