IBCTV13
www.ibctv13.com

PBBM, pinatiyak na darating ang tulong sa lahat ng lugar na apektado ng Habagat, Bagyong Luis at Maymay

68
Views

[post_view_count]

Door-to-door delivery of DSWD food packs to residents affected by flooding in Kawit, Cavite. (Photo courtesy of Rep. Jolo Revilla/Facebook)

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyaking makararating ang tulong sa lahat ng residenteng naapektuhan ng bagyong Luis at Maymay, at ng pinalakas na Habagat.

Inilatag ng Pangulo ang direktiba sa isang situation briefing sa Malacañang upang alamin ang kalagayan ng mga apektadong lugar at ang patuloy na pagtugon ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, partikular na tiniyak ng Pangulo na makatatanggap ng ayuda maging ang mga residenteng nakabalik na sa kanilang mga tahanan mula sa evacuation centers.

“Siniguro rin ng Pangulo na mabigyan ng tulong ang lahat ng mga apektado kabilang na ‘yung mga residenteng nakabalik na sa kani-kanilang tahanan mula sa mga evacuation centers,” ani Castro.

Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa P39.37 milyon ang kabuuang tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga local government unit (LGU) sa mga apektadong komunidad.

Sa ulat sa situation briefing, naipaabot na ang tulong ng pamahalaan sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Cordillera Administrative Region, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western Visayas at Zamboanga Peninsula.

Nag-deploy naman ng 3,841 personnel para sa posibleng search and rescue operations, kabilang ang mga tauhan mula sa Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at Philippine Coast Guard (PCG).

May karagdagan pang 4,392 personnel at 943 assets na naka-standby para sa agarang deployment kung kinakailangan, kasama ang mga asset mula sa Office of Civil Defense (OCD), AFP, Philippine Navy at Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa relief operations, nakapamahagi na ang DSWD ng 54,370 family food packs (FFPs), 2,722 ready-to-eat food items, 23 iba pang food items at 1,376 non-food items (NFIs) sa mga apektadong pamilya.

Halos P1 milyon na rin ang naipamahaging financial assistance sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.

Ayon pa kay Castro, may halos limang milyong FFPs at 245,474 NFIs ang DSWD na nakahanda para sa distribusyon sa buong bansa, kabilang ang P1.61 bilyong standby funds upang suportahan ang nagpapatuloy na relief operations. VC