
Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na patuloy na paiigtingin ng pamahalaan ang pagbibigay ng suporta, dagdag na allowance, at iba pang benepisyo para sa mga gurong Pilipino.
Sa kanyang talumpati sa pagdiriwang ng 2026 National Teachers’ Day ngayong araw, Oktubre 5, sinabi ng Pangulo na patuloy na naghahanap ng mga paraan ang kanyang administrasyon upang mapabuti ang kalagayan ng kaguruan.
“Patuloy nating hahanapan ng paraan kung paano pa mapabubuti ang suporta, benepisyo, at mga oportunidad para sa ating mga guro,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga hakbang na ito ang pagpapalawak ng oportunidad para sa career advancement ng mga guro at school heads sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) system.
Ibinida ng Pangulo na umabot na sa 82,105 guro at school heads ang na-promote sa ilalim ng ECP system as of September 2026, kabilang ang 4,125 education personnel sa Region II.
Samantala, inanunsyo ng Pangulo na may matatanggap na World Teachers’ Day Incentive Benefit ang mga kwalipikadong guro tuwing Oktubre 5.
Patuloy din ang proseso para sa 2024 Performance-Based Bonus upang mas mabilis na maibigay sa mga kwalipikadong guro.
Kinilala ng Pangulo ang mga sakripisyong kaakibat ng pagiging guro at binigyang-diin ang pangangailangang matiyak ang maayos na kapaligiran para sa mga nasa propesyon.
Sa huli, tiniyak ni Pangulong Marcos Jr. na nananatiling katuwang ng mga guro ang kanyang administrasyon sa pagtugon sa pabagu-bagong pangangailangan ng sektor.
Hinimok din niya ang mga titser na ipagpatuloy ang kanilang mahalagang tungkulin sa paghubog ng kinabukasan ng mga mag-aaral, na aniya ay isa sa pinakamahalagang ambag sa sambayanang Pilipino. – VC











