
Pinagtibay ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang patuloy na pagsisikap ng pamahalaan, sa pangunguna ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB), na magpatupad ng akma at tumutugon sa lokal na ekonomiya na pagtaas ng minimum wage sa bawat rehiyon sa bansa.
Ayon sa Pangulo, nagpapatuloy ang pagsusuri ng RTWPB sa kondisyon ng pasahod sa iba’t ibang rehiyon upang maipatupad ang dagdag na umento kung kinakailangan.
“Ang tripartite wage board, sa regional tripartite wage board, patuloy ‘yan, hindi tumitigil ‘yan, patuloy na tinitingnan at inaaral kung ano ba talagang presyuhan doon sa bawat region para mailagay na tama ang ating wage rate kung kailangan ng wage hike,” pagtitiyak ng Pangulo sa isang ambush interview ngayong araw.
Sa katunayan, sinabi ng punong ehekutibo na nauna nang maaprubahan ang P85 umento sa arawang sahod sa National Capital Region (NCR).
“Ang nauna ay ang NCR, P85 ang naging wage hike, ito ay buong kasaysayan ng Pilipinas, ang pinakamaraming pagtaas ng wages dito, lalo na sa Metro Manila,” ayon kay Pangulong Marcos Jr.
Inaasahan naman na matatapos ang deliberasyon ng wage boards sa iba pang rehiyon sa mga susunod na buwan, kung saan ang ilan ay inaasahang makukumpleto pagsapit ng Setyembre o Oktubre ayon sa Pangulo.
“Ang susunod ay sa mga region pero matagal pa yan mga September, October pa yung iba kaya ‘pag natapos na sila sa kanilang pag-aaral ay ilabas na rin natin na ‘yong naging resulta kung ano ang rekomendasyon ng ating tripartite wage sa iba’t ibang region,” pagbibigay-diin ni Pangulong Marcos Jr. – VC











