
Maaari nang humiling na lumipat ng YAKAP Clinic ang mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ngayong ikaapat na quarter ng taon.
Layunin ng hakbang na bigyan ang mga miyembro ng higit na kalayaan at kakayahang pumili ng klinikang nais nilang pagkunan ng pangunahing serbisyong pangkalusugan.
Ayon sa PhilHealth, maaaring mag-apply anumang oras sa loob ng taon ang mga benepisyaryong hindi pa sumasailalim sa kanilang First Patient Encounter (FPE).
Kung naaprubahan, agad na magiging epektibo ang kahilingan.
Samantala, ang mga miyembrong nakumpleto na ang kanilang FPE ay maari lamang humiling na lumipat tuwing ikaapat na quarter ng kasalukuyang taon.
Kung maaprubahan ang aplikasyon, magiging pormal ang paglipat sa Enero 1 ng susunod na taon.
Para makapagpasa ng request, kailangang personal na magtungo ang mga miyembro sa alinmang PhilHealth Local Health Insurance Office (LHIO) para sa beripikasyon ng pagkakakilanlan at liveness checking gamit ang PhilHealth Check Utility (PCU).
Para naman sa hindi makumpleto ang beripikasyon gamit ang PCU, kabilang ang mga hindi pa tapos ang registration sa Philippine Identification System (PhilSys), maaaring magsumite ng isang valid government-issued ID, kasama ang kumpletong Primary Care Selection Form.
Pinapayagan din ang pagkakaroon ng representative ng mga miyembrong hindi personal na makakapagpasa ng kanilang transfer request.
Matapos maaprubahan ang kahilingan, makatatangap ang benepisyaryo ng email notification bilang kumpirmasyon ng paglipat sa bagong YAKAP Clinic.
Para naman sa iba pang katanungan, maaaring makipag-ugnayan ang mga miyembro sa PhilHealth Action Center sa numerong (02) 8662-2588, o magtungo sa pinakamalapit na PhilHealth Regional Office o Local Health Insurance Office. – VC











