
Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang pagbibigay ng mga benepisyong pangkalusugan para sa mga miyembrong magkakasakit dahil sa matinding init, kasabay ng inaasahang pagpapatuloy ng El Niño hanggang kalagitnaan ng 2027.
Ito ay alinsunod sa Unified National Agenda for Health framework ng ahensya at Department of Health (DOH), at sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa maagap na pagkilos ng pamahalaan laban sa epekto ng climate change.
Kabilang sa mga sakit na dapat bantayan ang heat stroke, dehydration, asthma, hypertension, dengue, at mga impeksyong nakukuha sa maruming tubig.
Hinikayat ng PhilHealth ang mga miyembro nito na magparehistro at bumisita sa kanilang napiling Yaman ng Kalusugan Program (YAKAP) Clinic upang mapakinabangan ang mga benepisyo para sa heat-related illnesses.
Sa ilalim ng YAKAP, maaaring makatanggap ang mga miyembro ng libreng konsultasyon, angkop na laboratory at diagnostic tests, at outpatient cancer screening.
Sila ay maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 halaga ng gamot para sa outpatient treatment kada taon.
Pasok din sa PhilHealth ang emergency care, kabilang ang konsultasyon ng doktor, diagnostic tests, imaging, emergency procedures, at mahahalagang gamot sa ilalim ng Outpatient Emergency Care Benefit (OECB).
Para naman sa mga pasyenteng kailangang ma-confine, naglaan ang PhilHealth ng nakatakdang halaga ng benepisyo para sa ilang sakit at kondisyon.
Kabilang dito ang P19,500 para sa typhoid fever, P18,135 para sa heat fatigue, P16,575 para sa sore eyes, P12,675 para sa heat stroke o heat cramps, P11,700 para sa acute gastroenteritis, at P7,800 para sa chickenpox o moderate-to-severe-dehydration.
Para magrehistro sa YAKAP, maaaring pumili ang mga miyembro ng kanilang klinika sa pamamagitan ng PhilHealth Member Portal o eGovPH App.
Maaari rin silang magtungo sa alinmang PhilHealth Regional Office o Local Health Insurance Office sa buong bansa. – VC











