
Muling itataas ang bandila ng Pilipinas sa pandaigdigang entablado ng obstacle sports sa pagharap ni Philippine National Athlete Precious Cabuya sa 2026 OCR World Championships sa Limerick, Ireland, na idaraos mula Agosto 6-9.
Makakaharap ni Cabuya ang mga pinakamahusay na 100-meter obstacle athletes mula sa iba’t ibang panig ng mundo sa prestihiyosong torneo, na kinikilala bilang isa sa pinakamalaking kompetisyon sa obstacle course racing (OCR).
Hindi na bago si Cabuya sa pagtatala ng kasaysayan sa larangan ng obstacle sports.
Kilala ang atleta bilang five-time 100-M Obstacle world breaker at Guiness World Record holder, mga tagumpay na nagpatibay sa kanyang pangalan bilang isa sa mga pinakamahusay na obstacle sports athletes sa buong mundo.
Sa pamamagitan ng kanyang mga natatanging tagumpay, malaki ang naging ambag ni Cabuya sa pagpapataas ng antas ng pagkilala sa Pilipinas sa OCR.
Ang kanyang mga rekord at patuloy na paglahok sa mga internasyonal na torneo ay nagsisilbing inspirasyon sa mga kabataang Pilipinong nangangarap na makipagsabayan sa pinakamataas na antas ng kompetisyon.
Sa nalalapit na 2026 OCR World Championships, nananatiling nakatuon si Cabuya sa kanyang hangaring magbigay ng karangalan sa bansa.
Bitbit ang disiplina, determinasyon, at katatagan, umaasa ang atleta na maipakita ang world-class na kakayahan ng mga atletang Pilipino sa isa na namang malaking pandaigdigang kompetisyon. – VC











