
Pinayuhan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang mga residenteng nakatira sa loob ng 6-km radius Permanent Danger Zone (PDZ) ng Bulkang Mayon na lumikas matapos itaas sa Alert Level 3 ang bulkan kasunod ng pagsabog nito ngayong tanghali, Oktubre 30.
Nagbabala rin ang ahensya sa mga piloto na iwasang lumipad malapit sa tuktok ng Mayon dahil maaaring makapinsala sa mga eroplano ang abo mula sa posibleng biglaang pagsabog.
Pinag-iingat din ang publiko sa posibleng pagdaloy ng lahar o rumaragasang putik sa mga ilog at sapa na nagmumula sa bulkan, lalo na kapag umulan.
Ayon sa PHIVOLCS, nangangahulugan ang Alert Level 3 na nagsimula ang panibagong yugto ng magmatic eruption sa loob ng bulkan.
Dahil dito, tumataas ang posibilidad ng pagdaloy ng lava at pagbuga ng mainit na abo, bato at gas na maaaring mabilis na bumaba sa mga dalisdis ng Mayon sa mga susunod na araw hanggang linggo.
Naganap ang moderately explosive eruption dakong 11:53 a.m., kung saan nagbuga ng makapal na abo na umabot sa taas na 3,000 metro mula sa bunganga ng bulkan at napadpad patungong kanluran ng timog-kanluran.
Dahil dito, inaasahang makararanas ng ashfall ang Daraga, Camalig, Guinobatan at mga karatig-bayan sa Albay.
Sa kasalukuyan, sinuspinde na ni Albay Governor Noel Rosal ang klase sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan.
Patuloy namang binabantayan ng PHIVOLCS ang aktibidad ng Mayon at agad na maglalabas ng karagdagang impormasyon sakaling magkaroon ng pagbabago sa kondisyon ng bulkan. – VC











