
Inanunsyo ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-angat ng ugnayang diplomatiko ng Pilipinas at Canada sa antas ng Strategic Partnership, kasunod ng kanyang bilateral meeting kasama si Canadian Prime Minister Mark Carney sa Vancouver nitong Huwebes, Hulyo 2 (Canada Time).
Sa ilalim ng Strategic Partnership, inatasan na ang Philippine at Canada Foreign Minister na bumuo ng Plan of Action upang mapalawak ang kooperasyon ng dalawang bansa sa pag-adapt ng shifting global realities, pagtugon sa shared challenges, at pagpapalakas ng kapasidad para sa future-ready partnership.
Sa joint press statement kasama si PM Carney, binigyang-diin ng Pangulo na mahalaga ang matatag na kooperasyon sa larangan ng depensa at seguridad bilang pundasyon ng lumalalim na relasyon ng Pilipinas at Canada.
“We recognize that robust defense and security cooperation underpins the strong momentum of our relations. Recent milestones in this pillar underscore the shared commitment of our countries in ensuring that our peoples continue to live in a peaceful and secure region,” ani Pangulo.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang na isinagawa ng dalawang pinuno ang paglagda sa Status of Visiting Forces Agreement (SOVFA) sa Maynila, na nakabinbin na lamang para sa ratipikasyon ng lehislatura ng isa’t isa.
Malugod naman na tinanggap ng dalawang lider ang paglagda sa Mutual Logistics Support Arrangement at sa Statement of Intent on Strengthening Defense Cooperation ng Pilipinas at Canada.
Nagkaisa rin ang dalawang lider sa kahalagahan ng pagpapanatili ng peace at stability sa Indo-Pacific at kinilala ang lumalawak na partisipasyon ng Canada sa rehiyon sa ilalim ng Indo-Pacific Strategy (IPS).
Kasabay nito, nagpaabot ng pasasalamat ang Pangulo sa Canada government para sa pagpapatupad ng Dark Vessel Detection (DVD) program sa Pilipinas, na tumutulong sa bansa sa laban kontra illegal, unreported, and unregulated fishing (IUUF) at sa pagpapalakas ng Philippine maritime domain awareness.
Hiniling ng Pangulo na mapanatili ang access ng Pilipinas sa naturang programa sa susunod na limang taon.
Bilang bahagi ng paggunita ng Pilipinas sa ika-10 anibersaryo ng 2016 Arbitral Tribunal Award sa West Philippine Sea, pinasalamatan din ng Pangulo ang Canada sa patuloy na pagsuporta sa rules-based order sa South China Sea, alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), at sa pagkilala sa bisa ng arbitral award.
Samantala, kinilala ng Pangulo ang kontribusyon ng isang milyong Pilipino sa Canada na tinawag niyang “heart and soul” ng Strategic Partnership ng dalawang bansa.
Ang Strategic Partnership ay isang long-term diplomatic framework na naglalayong palalimin ang kooperasyon ng mga bansa sa iba’t ibang larangan tulad ng depensa, ekonomiya, teknolohiya, at politika. – VC











