
Kinumpirma ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na opisyal nang nakapasok ang Pilipinas sa Upper-Middle Income Country (UMIC) category ng World Bank (WB), batay sa pinakabagong income assessment ng nasabing international organization nitong Miyerkules, Hulyo 1.
Kasunod ito ng paglagpas ng Pilipinas sa UMIC threshold na $4,636 kung saan pumalo na sa $4,850 ang Gross National Income (GNI) per capita ng bansa.
Ayon sa DEPDev, isa itong makasaysayang tagumpay sa ekonomiya bunga ng napanatiling paglago, mahusay na pamamahala sa macroeconomics, at pangmatagalang structural reforms na nag-akyat sa Pilipinas mula sa dating Lower-Middle Income status nito.
Isa pa sa nakitang dahilan ng pagkamit ng UMIC status ng bansa ang paglago sa Gross Domestic Product (GDP) sa average na 5.8% mula 2021 hanggang 2025, at ‘strong performance’ sa lahat ng industriya na nag-akyat sa GNI per capita sa 8.5% noong 2025.
“This confirms the resilience of the Philippine economy. Despite global and domestic shocks, we have relentlessly pursued inclusive growth, strengthened fundamentals, and remained on track with our development agenda,” ayon kay DEPDev Secretary Arsenio Balisacan.
Sa isang video message ngayong araw, malugod na tinanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang bagong assessment mula sa WB, na tumapos sa halos apat na dekada ng pagiging Lower-Middle Income Country (LMIC) ng Pilipinas mula pa noong 1987.
“For years, Filipinos have worked hard to build this country. Today, the world has taken notice. It validates the progress that we have made and the resilience of the Filipino people,” ani Pangulong Marcos Jr.
Sa tulong ng bagong klasipikasyon, inaasahang mapapalakas ang credit profile ng bansa, mapapataas ang kumpiyansa ng mga namumuhunan, at mapapalawak ang access sa pagpopondo at dekalidad na pamumuhunan na magbibigay ng mas magandang trabaho sa mga Pilipino.
Kasama naman sa kinilala ng DEPDev chief ang mahalagang ambag ng mga overseas Filipino worker (OFWs) kung saan nagiging bahagi ng GNI ng Pilipinas ang kanilang kinikita sa ibang bansa.
Samantala, binigyang-diin naman ni Balisacan ang pangmatagalang hangarin ng kagawaran na makalikha ng dekalidad na trabaho upang hindi na maging isang ‘pangangailangan’ pa ang pagtatrabaho abroad.
“We acknowledge that income disparities persist, and many continue to face economic difficulties. Our priority is to ensure that growth becomes more inclusive, and that its benefits reach all Filipinos,” saad pa ng pinuno ng DEPDev.
Ang UMIC status ng Pilipinas ay nakamit kasabay ng pag-chair sa ASEAN ngayong 2026. – VC











