IBCTV13
www.ibctv13.com

Pilipinas, isa sa mga may pinakamabilis na tourism economy sa buong mundo — WEF 2026

528
Views

[post_view_count]

Tourists in Oriental Mindoro. (File photo of PIA)

Umakyat ng walong puwesto ang Pilipinas sa 2026 Travel and Tourism Development Index (TTDI) ng World Economic Forum (WEF) kung saan mula ika-65 ay lumapag ang bansa patungong ika-57 pwesto mula sa 110 ekonomiya sa buong mundo.

Nakakuha ang bansa ng 4.08 sa 7 na kabuuang marka sa index, na sumusukat sa kakayahan ng mga ekonomiya na paunlarin ang kanilang sektor ng turismo.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), kabilang ang Pilipinas sa 10 pangunahing umuusbong na tourism economies sa mundo at ika-pitong pinakamabilis na umunlad ngayong taon.

Isa sa pinakamalaking pag-angat ng bansa ay nakita sa sustainability, partikular sa pangangalaga sa kalikasan at wastewater treatment.

Mula ika-64 noong nakaraang survey, umakyat ang Pilipinas sa ika-29 na pwesto.

Pumangalawa naman ang Pilipinas sa buong mundo sa Travel and Tourism Demand Sustainability, partikular sa aspeto ng mas malawak na distribusyon ng mga destinasyon at aktibidad ng turista sa iba’t ibang lugar.

Ayon kay DOT Secretary Dita Angara-Mathay, ipinapakita ng resulta na kinikilala sa ibang bansa ang mga hakbang ng pamahalaan upang mapaunlad ang sektor ng turismo.
Umakyat din ang Pilipinas sa ground transport at port connectivity, mula ika-80 tungo sa ika-49 pwesto.

Mas mataas ang naging rating ng bansa sa mga seaport, pampublikong transportasyon, at train efficiency.

Sa safety and security, umangat naman ang Pilipinas patungong ika-73 pwesto.

Batay sa datos na ginamit sa index, bumaba ang homicide incidents sa bansa mula 10.5 tungo sa 4.4 kada 100,000 katao.

Malaki rin ang naging pag-angat ng Pilipinas sa culture and heritage, kung saan umakyat ang bansa mula ika-52 tungo sa ika-38 pwesto.

Tumaas ng 43% ang score ng Pilipinas sa naturang aspeto mula 2019, kung saan kabilang sa mga binigyang-diin ang pagdami ng UNESCO Creative Cities ng bansa, mula isa noong 2019 tungo sa lima ngayong taon.

Samantala, pinakamataas din ang ranggo ng Pilipinas sa policy and enabling conditions, matapos lumapag sa ika-12 pwesto ngayong 2026.

Tumaas din ang bahagi ng pambansang pondo na inilaan para sa turismo, mula 3.1% noong 2019 patungong 5.8% ngayong taon.

Kasabay ng pag-angat sa WEF tourism index, kinilala ang Pilipinas bilang Global Dive Destination of the Year sa ADEX Big Blue Legacy Awards 2026 at Best Dive Destination sa DRT Show Shanghai 2026.

Sinusukat ng WEF’s TTDI ang kakayahan ng mga bansa na mapaunlad ang turismo gamit ang limang pangunahing dimensyon, 17 pillars at 102 indicators.

Kasama ng Pilipinas sa 10 major emerging tourism economies ang China, India, Malaysia, Thailand, Indonesia, Vietnam, Turkey, Mexico at Brazil. – VC