
Nagkasundo ang Pilipinas at Poland na palawakin ang kanilang kooperasyon sa depensa at seguridad, kalakalan at pamumuhunan, agrikultura, teknolohiya, enerhiya, turismo at iba pang larangan.
Ito ang naging sentro ng usapan nina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at Polish President Karol Nawrocki sa kanilang bilateral meeting sa Malacañang nitong Martes, Oktubre 6.
Sa economic cooperation, sinabi ng Pangulo na nakita ng dalawang bansa ang “positive trajectory” ng bilateral trade ng dalawang bansa at sinuportahan ang mas malaking partisipasyon ng pribadong sektor sa investment opportunities.
Pinag-usapan din ng dalawang bansa ang pagpapalawak ng kooperasyon sa agrikultura, kabilang ang market access, teknolohiya, research at education.
Sa information and communications technology (ICT), isinasapinal na ng Pilipinas at Poland ang isang memorandum of understanding (MOU) na sasaklaw sa cybersecurity, e-governance at digital connectivity.
Pinalalakas din ng dalawang lider ang kooperasyon sa science and technology, kabilang ang space technology.
Samantala, binanggit din ni Pangulong Marcos Jr. ang pag-usad ng legal cooperation sa pagitan ng dalawang bansa, kasunod ng paglagda sa Agreement on the Transfer of Sentenced Persons at Agreement on Mutual Legal Assistance in Criminal Matters.
Binigyang-diin ng dalawang lider na handa na silang simulan ang negosasyon para sa isang extradition agreement, at napagkasunduan ang pagpapalakas ng turismo at people-to-people exchanges.
Ayon sa Pangulo, nasa humigit-kumulang 25,000 Pilipino ang naninirahan sa Poland, na nagsisilbing mahalagang pundasyon ng relasyon ng dalawang bansa.
Kabilang pa sa napag-usapan ng dalawang lider ang mga isyu sa South China Sea, Ukraine at seguridad sa Europe, kung saan muli nilang binigyang-diin ang kahalagahan ng rule of law at mapayapang pagresolba ng mga sigalot.
Malugod naman na tinanggap ni Pangulong Marcos Jr. ang pag-akyat ng Poland sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia noong Hulyo, na inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad para sa ugnayan ng Poland at ASEAN.
Ayon sa Pangulo, nais ng Pilipinas na ipagpatuloy ang momentum mula sa pagbisita ni Nawrocki at tuklasin ang iba pang paraan upang higit pang mapalakas ang kooperasyon ng dalawang bansa sa mga susunod na taon. – VC











