
Opisyal nang sinimulan ng Pilipinas ngayong Lunes, Hulyo 20, ang pagho-host ng 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting (AMM) and Related Meetings, na nakatuon sa pagsusulong ng mga prayoridad ng bansa bilang ASEAN Chair at pagpapatibay ng kooperasyong panrehiyon at pandaigdigan.
Pangungunahan ni Department of Foreign and Affairs (DFA) Secretary Ma. Theresa Lazaro ang serye ng pagpupulong na isasagawa buong linggo.
Sa isang press briefing sa International Media Center sa Parañaque City, sinabi ni ASEAN Spokesperson Dominic Xavier Imperial na itutuloy ng mga pagpupulong ang mga naabot na resulta ng ASEAN chairship ng Pilipinas at isusulong ang mga prayoridad sa ilalim ng Political-Security, Economic, at Socio-Cultural Community Pillars.
Sinimulan ang week-long ministerial meeting sa isinagawang 16th Interface Meeting with the ASEAN Intergovernmental Commission on Human Rights (AICHR) ngayong araw, kung saan tinalakay ng mga foreign minister ang mga usapin hinggil sa karapatang pantao at iba pang mahahalagang isyu sa rehiyon.
“The AMM-AICHR Interface underscores the commitment of ASEAN towards advancing the promotion and protection of human rights and fundamental freedoms for all peoples of the region, especially those in vulnerable situations,” ani Imperial.
Nakatakda ring magpulong ngayong araw ang Southeast Asia Nuclear Weapon-Free Zone (SEANWFZ) Commission upang repasuhin ang pagpapatupad ng Treaty 2023–2027 Plan of Action, at ipagpatuloy ang talakayan hinggil sa paglahok ng mga Nuclear Weapon States sa protocol nito bilang bahagi ng layunin ng ASEAN na mapanatiling nuclear weapon-free ang Southeast Asia.
Sa Martes, pormal namang sisimulan ang 59th ASEAN Foreign Ministers’ Meeting, kung saan inaasahang tatalakayin ng mga ministro ang mga progreso ng ASEAN sa tatlong Community Pillars, ang kalagayan ng ugnayan nito sa external relations, at ang mahahalagang isyung panrehiyon at pandaigdigan.
Inaasahan ding pagtitibayin sa pagpupulong ang 59th ASEAN Foreign Ministers; Meeting Joint Communique, gayundin ang Guidelines on the Modalities for Engagement of ASEAN with High Contracting Parties to the Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia, na pangunahing inisyatiba ng Pilipinas bilang ASEAN Chair upang magkaroon ng malinaw na balangkas sa pakikipag-ugnayan sa mga bansang lumagda sa treaty ngunit hindi dialogue partners ng ASEAN.
Samantala, mula Hulyo 22 hanggang 23, magsasagawa ang ASEAN ng Post-Ministerial Conferences kasama ang external partners kabilang ang India, United States, Canada, Russia, China, Korea, Japan, Australia, New Zealand, United Kingdom, at European Union.
Nakatakda ring pangunahan ng Pilipinas ang 27th ASEAN Plus Three Foreign Ministers’ Meeting, 33rd ASEAN Regional Forum, at 16th East Asia Summit Foreign Ministers’ Meeting.
Magtatapos ang serye ng mga pagpupulong sa Hulyo 24 sa pagdiriwang ng ika-50 anibersaryo ng Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia (TAC), na tampok ang paglagda ng mga bagong bansang sasapi sa treaty, ang inaugural ng High-Level Conference of the High Contracting Parties to the TAC, at isang gala dinner na pangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ayon kay Imperial, sumasalamin ang mga nakatakdang pagpupulong sa patuloy na pangako ng Pilipinas na mapanatili ang momentum ng pamumuno nito sa ASEAN at makapaghatid ng mga konkretong resulta na magpapalakas sa kapayapaan, katatagan, kooperasyon, at kaunlaran sa rehiyon.
“As we move into the second half of the Philippines’ ASEAN Chairship, we remain committed to sustaining the momentum and delivering meaningful outcomes for ASEAN. The meetings over the next few days reflect the steady progress we have made thus far and provide another opportunity to advance our shared priorities,” ani Imperial. – VC











