IBCTV13
www.ibctv13.com

Pinalawig na voucher law, magpapaluwag sa public schools at magpapalakas sa suporta sa private schools – DepEd

Kristel Isidro
119
Views

[post_view_count]

Students from two sections in Sacme village, Tanauan, Leyte attended their class in one room. (File photo of PNA)

Inaasahang mababawasan ang pagsisiksikan sa mga pampublikong paaralan at mas mabibigyan ng suporta ang mga pribadong paaralan sa ilalim ng Basic Education Voucher Assistance Act, na inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee.

Pinuri ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang pagpasa ng Kongreso sa panukalang batas, na magbibigay ng institutionalized voucher program mula Kindergarten hanggang Grade 12 at magpapalawak ng eligibility para sa mga pamilyang middle-middle-income.

Ayon kay Angara, magsisilbing praktikal na solusyon ang panukala sa limitadong kapasidad ng mga pampublikong paaralan at pagpapalawak sa access ng mas maraming pamilya sa dekalidad na edukasyon.

“By expanding the voucher framework, we are building more sustainable partnerships with private educational institutions, which have always been integral to our national strategy for human capital development,” dagdag ng kalihim.

Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng subsidiya sa matrikula ang mga kwalipikadong mag-aaral mula sa middle-middle-income household pababa, na dating nakatuon lamang sa mga pamilyang may mabababang kita.

Bukod sa Kindergarten hanggang Grade 12, makikinabang din ang mga mag-aaral na nais kumuha ng Senior High School track o strand na hindi inaalok sa pinakamalapit na pampublikong paaralan.

Binibigyang-prayoridad ng programa ang mga mag-aaral mula sa mga siksikang pampublikong paaralan, mga lugar na walang malapit na pampublikong paaralan, at mga kabilang sa vulnerable o disadvantages sectors.

Gagamit ang DepEd ng centralized registration para sa pagpapatala ng mga benepisyaryo sa mga kalahok na pribadong paaralan upang palakasin ang monitoring, accountability, at quality assurance ng programa.

Kasunod ng bicameral approval, daraan pa ang panukala sa pinal na ratipikasyon ng Senado at Kamara bago isumite kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para sa kanyang lagda.

Nakahanay ang panukala sa mga repormang ipinatutupad sa ilalim ng DepEd Order No. 11, s. 2026, na naglalayong paigtingin ang implementasyon ng Enhanced Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (E-GASTPE).

Sinabi na Angara na agad sisimulan ng DepEd ang mga kinakailangang paghahanda upang matiyak ang maayos na pagpapatupad ng programa sa oras na ganap itong maging batas.VC